Mayor Marcy ibinahagi ang nasa likod ng kaayusan sa Marikina: ‘Nagsimula kami sa disiplina sa bangketa’

Image via Cha Echaluce
  • Ibinahagi ni Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro ang nasa likod ng kaayusan sa Marikina City
  • Puring-puri ng Department of Interior and Local Government ang kaayusan sa lungsod kaya naman dito inilunsad ang “Disiplina Muna” campaign
  • “Nagsimula kami sa disiplina sa bangketa,” pagbabahagi ni Teodoro kaugnay sa sikreto ng Marikina sa launch ng DILG initiative

Higit sa industriya ng sapatos, ipinagmamalaki rin ng lungsod na tinaguriang “Shoe Capital of the Philippines” ang kaayusan ng komunidad at ang disiplinang taglay ng mga tao rito.

Image via Cha Echaluce

Kabilang sa mga humahanga sa kaayusan ng Marikina City ay ang Department of Interior and Local Government (DILG) na ilang ulit nang pinuri ang lungsod sa pagkakaroon ng obstruction-free roads at sidewalks. Dahil dito, sa lungsod na ito napili ng ahensya na ilunsad ang “Disiplina Muna” campaign nitong Biyernes, Nobyembre 22.

“Disiplina ang pagkakatuto mula sa mga utos. Disiplina rin ang tawag sa self-control o kagustuhang iakma o isunod ang kilos ayon sa mga patakaran. Paano nga ba ito sinimulan sa Marikina? Dito sa Marikina, nagsimula kami sa disiplina sa bangketa. Bangketa ang nagmulat ng disiplina sa mga taga-Marikina,” ani Marikina Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro.

“Maaaring hari ka sa iyong tahanan, ngunit sa oras na tumungtong ka sa bangketa…parte ka na ng isang komunidad, isang social contract o isang kasunduan na panlipunan,” pagpapatuloy niya. “Pagdating sa bangketa, kapakanan ng lahat ang nangingibabaw.”

Layunin ng “Disiplina Muna” ng DILG na buhayin at itaguyod ang “culture of discipline as a bridge toward real change.” Naniniwala ang ahensya na magiging mabuting ehemplo sa iba pang mga pamahalaang lokal ang nasabing lungsod.

Image via Cha Echaluce

Pagbabahagi ng alkalde, noon pa man ay bahagi na ng kultura ng Marikina ang pagiging disiplinado; isang katangiang maituturing na magandang pamana mula pa sa mga naunang henerasyon.

“The cleanliness, obstruction-free roads, and the peace and order in our city are the proof that Marikina residents are well disciplined. We have been promoting the culture of discipline in Marikina for so long that Marikenos have passed on the values from generations to generations,” aniya.

Ngunit higit pa raw sa mga ordinansa at polisiya ng lokal na pamahalaan ng lungsod, malaking bagay din daw na mga bata pa lamang ay tinuturuan na ang mga mag-aaral dito kung paano magiging disiplinado.

“Beyond the ordinances and policies that our local government have been enforcing, we also teach our children and the younger generations to continue the discipline we are teaching them right now,” wika ni Teodoro.

Samantala, nagpahayag din ng paghanga ang alkalde sa partisipasyon ng mga street cleaner –na tinatawag niyang “heroes of the city”– dahil sa malaking ambag nila sa pagpapanatili ng kalinisan sa lungsod.

Umaasa raw si Teodoro na matutulungan din nila ang iba pang mga lungsod sa bansa.

“We hope that Marikina City’s example would encourage other cities to push for discipline and right conduct in using public streets and public property,” binigyang-diin niya.

Source :

Marikina PIO

Loading…