Old school Nokia phone ng isang netizen, gumagana pa rin hanggang ngayon

Image capture from Facebook
  • Pangarap ng marami noong dekada 90 ang magkaroon ng Nokia 9110 Communicator
  • Sa Facebook group na We are 90’s (Kami ang Batang 90’s), ibinahagi ng miyembrong si MichaelFritz LaraAfrica Villegas ang kanyang lumang cellphone
  • Pagbabahagi niya, dahil likas siyang maingat sa gamit ay gumagana pa rin ito hanggang ngayon

Isa ka ba sa mga nangarap na magkaroon ng Nokia 9110 Communicator, na itinuturing na isang high-tech gadget nang ilabas ito noong dekada 90?

Image capture from Facebook

Para sa isang netizen, hindi lamang ito isang pangarap kung hindi isang bagay na ginusto, nakuha, at hanggang ngayon ay nasa kanya pa ring pangangalaga.

Sa Facebook group na We are 90’s (Kami ang Batang 90’s), ibinahagi ng miyembrong si MichaelFritz LaraAfrica Villegas ang kanyang lumang cellphone na nakuha niya sa isang Christmas raffle noong 1999. Aniya, dahil likas siyang maingat sa gamit ay gumagana pa rin ito hanggang ngayon.

“Ito ang naging kauna-unahan kong smartphone noon bago matapos ang 1990s. Nakuha ko bilang isang major prize sa office na pinagtatrabahuan ko Christmas party 1999. Until now gumagana pa,” saad niya sa caption ng mga larawan na ibinahagi niya sa grupo.

Nagbalik-tanaw ang maraming Facebook user sa post. May mga nakaalala na pinangarap nilang magkaroon ng gadget na ito ngunit hindi nila nakayanang bumili. Napagtanto naman ng iba na ito pala ang original na QWERTY Keyboard. May mga nagsabi rin na mayayaman lamang ang nagkakaroon nito.

Image capture from Nokia commercial

Ngunit paglilinaw ng nag-post, kagaya ng sinabi niya sa caption, siya ay sinuwerte lamang sa raffle. Ang totoo raw  ay isa siyang working student noong panahong iyon.

“Working student ako, lahat ng sinasahod ko napupunta sa tuition fees ko. Kaya kong bilhin pero priority ko talaga noon makatapos ng kolehiyo,” aniya.

Nakakatuwang isipin na para itong naging reward sa kanyang kasipagan noon, ‘di ba?

Sa huli, nagkaroon man nito o hindi ay mananatili at mananatili pa rin sa alaala ang Nokia phone na ito, na hindi maitatangging kakaiba at mahirap kalimutan na lang basta.

Balikan ang mga maniningning na sandali ng cellphone na pinapangarap ng marami noong 1990s! Narito ang 1999 commercial ng Nokia 9110 Communicator:

Source :

Facebook

Loading…