[Video] Pigil-hiningang “paglangoy” sa baha ng isang SUV nagpabilib sa mga netizens

Imahe kuha mula sa video ni Brylle Sandiko via Facebook
  • Bumiyahe si netizen Brylle, ang kanyang asawa at isang kaibigan papuntang Ilocos ngunit sinalubong sila ng baha
  • Itinawid nila ang kanilang  Toyota Land Cruiser  sa baha na lampas wiper na ang itinaas at pumasok na hanggang sa loob ng sasakyan
  • Matagumpay na nakaahon sa baha ang kanilang sasakyan nang hindi natitirikan at napasaludo ang mga taong nakasaksi sa kanilang pinagdaanan

Lubog sa tubig ang ilang bahagi ng Luzon noong nakaraang linggo dahil sa bagyong Quiel.  Sa mga sitwasyong ganito, karamihan sa atin ay ipagpapaliban ang mga lakad dahil alam nating babaha na naman.

Imahe kuha mula sa video ni Brylle Sandiko via Facebook

Subalit  isang lalake ang hinangaan sa social media dahil sa naging kakaibang karanasan nito.  Matagumpay nitong naimaneho ang kanyang Toyota Land Cruiser  sa abot dibdib na baha sa Cagayan.

Kuwento ni Brylle Sandiko, ika-8 ng Nobyembre ay maaga silang bumiyahe ng mga kasama niya mula Tuguegarao  papuntang Ilocos.  Bandang 8:30 nang tila nasa Claveria na sila ay hindi nila alam na sobrang tumataas na pala ang tubig!  Nagpasya si Brylle na ituloy na  lang ang pagmamaneho dahil alam nilang mas tataas pa ang tubig pag walang tigil ang ulan at hassle na rin daw kung babalik pa sila.

Sa halos apat na minutong Facebook video na in-upload ni Brylle makikita sa simula na halos abot tuhod lamang ang baha at may mga tao pa sa paligid na naglalakad subalit wala nang ibang saksakyan ang dumaraan. Ang kanyang asawa ang kumukuha ng video.

Makalipas ang isang minuto, umabot na sa hood ng sasakyan ang tubig.  Tahimik lang si Brylle sa pagmamaneho.  Maya-maya pa’y abot na ng tubig ang wiper!  Sinabihan siya ng kanyang asawa na pumagitna sa daan dahil mukhang napapapunta siya sa gilid; marahil dahil sa lakas ng tubig.

“Pinapasok na tayo, Brylle!” sambit ng kabadong misis. Nagsimula na ngang pumasok ang tubig sa loob ng sasakyan.  Kabado na rin si Brylle. Napapatawag na siya kay Lord. Tatlong minuto ang nakaraan, mas tumaas pa ang tubig.  Lumampas na ito sa wiper ng kanilang sasakyan.

Imahe mula sa video ni Brylle Sandiko via Facebook

“Di na makita!” napasigaw na halos ang kanyang asawa. Naglulutangan na ang bote ng softdrinks at tubig sa loob ng sasakyan nila.

Sa wakas, nakatawid na rin sila.  Madadala ka rin sa kanilang pinagdaanan habang pinanonood mo ang video.

Makikita sa gilid ng daan ang mga tao na mahihinuha mong nakatanaw sa kanilang pag-ahon mula sa baha at napasaludo na lang nang matagumpay nilang nalampasan ito.

Ang video na ito ay nakakuha na ng mahigit 2.3 million views, 59k reactions, 27k comments at 52K shares.

Paglilinaw naman ni Brylle: “Laking pasasalamat po namin ng asawa ko at ng kaibigan ko sa Panginoon at hindi po kami pinabayaan. Lalong lalo na po sa asawa ko na lahat ng pwedeng daanang simbahan ay hinintuan para magdasal bago pa po mangyari ito.

Gusto ko lang po talaga ishare ung pangyayari kaya ko po pinost ito. Huwag na huwag nyo po gagayahin to. Handa po kami sa byahe namin halos tatlong buwan na preparasyon to at handa yung oto para sa ganyang sitwasyon alam po ng mga local doon na tatawid kami at may mga truck sa harap at likod in case ano man po mangyari. Alam ko po na pinagbigyan kami ngayon ng Diyos at wala na po ako balak gawin ulit. Maraming salamat!”

Hindi lamang ito nagpabilib sa pagmamaneho ni Brylle kundi sumikat din ang Toyota Land Cruiser niya.  Subalit paano nga ba nakayanan ng sasakyan niya ang “paglangoy” sa baha? Narito ang iba’t-ibang reaksyon ng mga netizens.

“I think it’s his prayer to the Lord that made him survive kahit anong tibay ng sasakyan mo at hindi ka dininig. Wala din.”

“Sobrang kabado din ako while watching.  Natatakot ako para sa inyo.  Pero naging okay naman.  Wow kuya galing mo po sobra.  Hindi kayo pinabayaan ni Lord. God bless po.”

“Basta 4 x 4 na sasakyan at may snorkel yakang yaka yan kasi mabigat siya gawa ng dalawa ang differential niya at dagdag pa kung kargado kaya di siya basta bastang lulutang, Ganunpaman hanga ako sa lakas ng loob ng driver.”

Marami rin ang nagsabing hindi na dapat ultin ang pagtawid sa baha dahil hindi  natin alam ang kapalaran. Samantala, ang tamang lokasyon nila, ayon sa isang netizen, ay sa Barangay Calog, Abulug, Cagayan.

Mabuti na lang at nakaraos sila nang maluwalhati.  Sa panahon ng tag-ulan at baha, mas mainam pa rin na umiwas tayo sa kapahamakan.

Narito ang nakakakabang video ni Brylle sa paglusob nila sa tubig.

I-cliick ang imahe upang mapanood ang video ni Brylle Sandiko via Facebook
Source :

Facebook

Loading…