‘Walang kinikita pero nakatutulong sa tao’: Passionate solo artist, naghatid ng inspirasyon

Images via Lorenzo PH | Facebook
  • Naghatid ng inspirasyon sa netizens ang post ng isang passionate Pinoy solo artist
  • Sa kanyang Facebook page, ibinahagi ng solo artist na si Carl Laurence Sarcos Miranda o mas kilala bilang “Lorenzo” ang kanyang kuwento
  • Ang dahilan: wala man kinikita sa gigs, nakatutulong naman sa ibang tao

“Alam kong tinawag ako para lumikha ng mga musika na magbibigay ng inspirasyon sa ibang tao.”

Ito ang saad ng Pinoy solo artist na si Carl Laurence Sarcos Miranda o mas kilala bilang “Lorenzo” sa isang Facebook post na nagbigay ng inspirasyon sa maraming netizens kamakailan.

Image via Lorenzo PH | Facebook

Sa kanyang Facebook page na Lorenzo PH, ibinahagi ni Lorenzo ang mga kanyang mga pinagdaanan at napagtanto bilang isang alagad ng musika. Sinimulan niya ito sa pagkukuwento tungkol sa isa sa kanyang recent gigs: ang hirap ng malayuang biyahe mula sa Cavite habang dala ang gitara at mabigat na bag, ang pagpasok muna sa maghapong klase, at ang biyahe mula Manila hanggang Quezon City.

“‘Yong pagod mo, sasamahan pa ng pagsakit ng daliri mong isang buwan mo nang ‘di nagagamit dahil na-dislocate. Sa b’yahe pa lang ubos na lakas ko,” aniya.

Ngunit bakit nga ba hindi siya napapagod? Bakit sa kabila ng lahat ng ito ay bumabalik at bumabalik pa rin siya sa pagiging musikero at sa pagtatanghal? Pagbabahagi niya, bumabalik at bumabalik din kasi siya sa simula, sa dahilan kung bakit niya pinili at patuloy na pinipili ito.

“‘Pagkapunta ko dito sa venue (Jess & Pat’s), naalala ko kung paano ako nagsimula. Ako pa lang ‘yong artist na nasa venue na at inisip ko kung bakit nga ba ako nagtitiis sa ganito. Pagod, puyat, gutom, at sandamakmak na gastos,” pagbabahagi niya.

Image via Lorenzo PH | Facebook

“[Pero] alam ko naman na may purpose kung bakit ako nandito, kung bakit ako isang artist. Nabasa ko sa bible na iba-iba nga pala ang calling sa atin. May mga tinawag para magturo, magsalita sa harap ng maraming tao, maging pinuno, at ako, alam kong tinawag ako para lumikha ng mga musika na magbibigay ng inspirasyon sa ibang tao,” wika niya.

At kahit wala raw siyang kinikita sa mga pagtatanghal niya ay hindi siya hihinto dahil sa paraang ito ay nakaaabot siya ng mga tao at nakapagbibigay ng inspirasyon sa pamamagitan ng kanyang mga kanta.

“Ang alam ko lang, wala man akong kinikita sa mga gigs ko, nakakatulong naman ako sa ibang tao. Ilang beneficiaries na rin ‘yong natulungan ko dahil sa pagco-conduct ng benefit gigs. Ilang banda na rin ‘yong natulungan kong ma-expose at magkaroon ng lakas ng loob para magtanghal,” kuwento pa ni Lorenzo. “Mahal ko ang musika at hindi ako titigil sa pagiging isang artist hangga’t nabubuhay ako.”

Maraming naaantig sa post na ito ni Lorenzo; mga nagpahayag ng paghanga, mga nangako na hindi magsasawang sumuporta, at mga nabigyan ng inspirasyon na magpatuloy sa pagtahak ng daan patulong sa kanilang mga pangarap.

Image capture from Facebook

Pakinggan ang isa sa mga awiting ibinahagi ni Lorenzo sa kanyang YouTube account: 

Source :

Facebook, YouTube

Loading…