Batang kailangang maipa-CT scan, tinulungan ng ‘di nagpakilalang nakasabay sa ospital

For illustrative purposes only -Images via ARMMC and Pixabay
  • Laking pasasalamat ng isang ina sa babaeng tumulong sa kanya na maipa-CT (computerized tomography) scan ang anak niya
  • Sa Facebook group na Marikina News, ibinahagi ni Joan Valdez Belarmino kung paano sila tinulungan ng nakasabay nila sa ospital
  • Aniya, bagama’t hindi ito nagpakilala ay tiyak na makikilala niya ito kung muli silang magkikita

Mapalad ka kung sa tamang pagkakataon — kung kailan kailangang-kailangan mo ng tulong — ay makakakilala ka ng isang tao na magpaparamdam sa iyo na mabuti pa rin ang mundo.

Image capture from Facebook

Lubos na nagpapasalamat ang isang ina sa babaeng tumulong sa kanya na maipa-CT (computerized tomography) scan ang anak niya na labis na nangangailangan nito.

Sa Facebook group na Marikina News, ibinahagi ni Joan Valdez Belarmino kung paano sila tinulungan ng nakasabay nila sa ospital. Aniya, agad nagbigay ng pera ang taong ito nang malamang hindi niya alam kung saan lilikom ng sapat na halaga para sa pangangailangang-medikal ng kanyang anak.

“Ate, kung sino ka man, ako ay lubos na nagpapasalamat sa iyong kabutihan. Ni hindi ka namin kilala pero tinulungan mo ang isang bata na maipa-CT scan. Hindi ka man lang nagdalawang-isip na tulungan ang bata. Agad-agad ay binigyan mo ako ng pera para mapa-CT scan si Justin. Napakabuti mo po. Hindi ko man lang naitanong ang pangalan mo pero alam ko na kung tayo man ay magkitang muli, makikilala ko ang iyong mukha,” saad ni Belarmino.

“Sana pagpalain ka ng ating mahal na Ama. Sana marami pa ang katulad mo, Ate. Maraming-maraming salamat po sa iyo. Kung sino ka man, dahil hindi ko po alam ang iyong pangalan, kung ito ay mabasa mo po, Ate, maraming-maraming salamat,” pagpapatuloy niya.

Maraming miyembro ng grupo ang naantig sa ikinuwentong ito ni Belarmino.

Image capture from Facebook

Sa kabila ng lahat ng hindi magagandang nangyayari nitong mga nakaraan, mabuti pa rin talaga ang mundong ito.

Source :

Facebook

Loading…