Dating homeless na si Mang Jun, pangungulila sa pamilya ang dahilan ng kanyang pagkupkop ng mga aso

Image capture of video by GMA Public Affairs via YouTube
  • 17 taon tumira sa lansangan si Mang Jun bago nabiyayaan ng bahay at mas magandang trabaho
  • Ang pagkasabik sa pamilya ang nag-udyok sa kanya na mag-alaga ng mga aso
  • Iniwan man siya ng pamilya niya, nariyan naman daw ang mga aso na nagmamahal sa kanya

Sinubaybayan sa social media ang kuwento ni Mang Gil “Jun” Labagus na siyang binigyan ni Heart Evangelista at PAWSsion Project ng bahay at trabaho kung saan makakapiling pa rin niya ang kanyang mga aso.

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube

Sa ulat ng GMA kamakailan lang, naibahagi mismo ni Mang Jun ang dati niyang mahirap na buhay.

“Uuwi ako bago mag-alas dose.  Babalik na naman ako sa Granada street, “ kuwento niya.

Wala ng bahay at pamilya si Mang Jun kaya tiniis niyang matulog sa labas ng isang gusali sa Gilmore Avenue gabi-gabi matapos ang kanyang trabaho bilang street sweeper. ”Kahit na umuulan, doon lang ako.  Nakatalukbong lang ako ng lona. Di ako umaalis doon kasama ko po aso ko.”

Nagkahilig si Mang Jun sa pagkupkop ng mga aso dahil sa pagiging sabik nito sa pamilya.  Umabot sa anim na aso ang kasalukuyan niyang kasama kahit saan man siya magpunta, ayon sa naunang ulat ng Kicker Daily.

Pinakilala ni Mang  Jun ang kanyang mga alaga:  si En-es na binigay sa kanya nong ‘di siya napasahod sa trabaho sa Laguna; sina Sakang at Ringgo na mababait ayon sa kanya; si Bait na nakita niya noong nasagasaan, si Jami na nasagip niya at si  Kobayasi na kasama sa binayad sa kanya nang pinagawa siya ng manhole.

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube

“Pag may nagbibigay sa akin ng pagkain, hati-hati kami.  Pag wala na talaga akong pera, bibili na lang ako ng sardinas saka kanin.  Hati-hati kami,” pahayag niya.

Masaya na si Mang Jun sa kasalukuyang mga biyaya sa kanya ngunit may dalamhati pa rin ang kanyang pus0 dahil sa pangungulila sa kanyang anak na si Gilmar. Kinuha raw ito ng asawa niya at hindi na ito nakabalik. Dahil dito, itinuring na niyang mga kapamilya ang mga alagang aso.

“Mahal na mahal ko sila.  Sabi ko sa sarili ko huwag na ninyo akong iiwan kasi wala na ang mga kapatid ko.  Wala na ang nanay ko, anak ko, asawa ko. ‘Yong aso nandiyan pa rin, hindi ako iniiwan,” napapaluhang salaysay ni Mang Jun.

Maayos man ang kalagayan ni Mang Jun ngayon, hangad pa rin namin na sana’y magkita silang muli balang araw ng kanyang anak para maging lubos na ang kanyang kasiyahan. Nawa’y makarating ang kanyang mensahe sa kaniyang anak na si Gilbert sa pamamagitan ng videong ito na ibinahagi ng Stand For Truth via YouTube:

Loading…