Kuwento ng lalakeng nagmamaneho ng traysikel habang naka-wheelchair, kapupulutan ng inspirasyon

Imahe via @Benjamin Yabes at Luigi TV | Facebook
  • Nakilala si Benjamin Yabes sa internet dahil sa nag-viral niyang video
  • Nagmamaneho ito ng traysikel nang naka-wheelchair at nakaupo sa puwesto ng pasahero
  • Nakapanayam namin si Benjamin at naibahagi niya ang kanyang buhay na maaaring kapupulutan ng inspirasyon

Dahil sa kapansanan, nahihirapan ang iba na mamuhay nang normal. Subalit may iilan na piniling  dumiskarte sa buhay at gumawa ng paraan upang magawa pa rin ang mga nais nila.

Imahe via @Benjamin Yabes | Facebook

Isang video ng lalake ang agaw pansin sa internet dahil nakamamangha tingnan ang kanyang pagmamaneho ng traysikel kahit nakapuwesto siya sa upuan ng pasahero nang naka-wheelchair.

Siya si Mr. Benjamin Yabes. Nang nakapanayam siya ng Kicker Daily News, napag-alaman na pitong buwan pa lamang siya nang madapuan ng sakit na poli0.  Ito ang dahilan ng panghihina ng kanyang mga binti hanggang sa tuluyan nang hindi makalakad.  Ngunit naging matatag at positibo pa rin si Benjamin sa pagharap sa buhay.

Sa katunayan, kahit na naka-wheelchair, mahilig gumala si Benjamin; kaya nang makaipon noon, bumili siya ng electric bike.  Matapos masaliksik na puwedeng i-customize ito, tinulungan siya ng kanyang tatay sa pagsasaayos ng bike na ginawang traysikel at nailipat ang manibela. 

Matagumpay nilang nabuo ang sasakyan na maaaring gamitin ni Benjamin sa biyahe.  Nang masira, napalitan ito ng motor na siya nang ginagamit niya ngayon.

Imahe via @Benjamin Yabes | Facebook

Malayo na ang narating ng kanyang traysikel.  Sa katunayan, naibiyahe niya ito papuntang Mindoro mag-isa.  Kaya payo niya sa mga kagaya niya, ““Explore the world. Puntahan mo ang mga lugar na gusto mong puntahan kahit ganito ka.  Basta’t maging masaya ka. Maiksi lang ang buhay. Hindi naman lahat pangmatagalan.  Huwag mawawalan ng pag-asa.”

May nabigyan na rin ng inspirasyon si Benjaamin na kagaya niya.  Nagpagawa rin ito ng kahalintulad na traysikel sa kanila. Ayon pa sa nagpagawa, “Kinaya mo, ako pa kaya ‘di ko kakayanin.”

Tinanong namin si Benjamin kung minsan ba ay pinara siya ng LTO.

“Minsan po pinara po ako pero yong pagpara niya sa akin nakangiti.  Ngumiti rin ako pero may kaba ng konti. Yon pala tatanungin lang ako kung saan ako nagpagawa ng traysikel ko kasi mayron din daw gustong magkaroon nito,” paglalahad ni Benjamin.

Sa kasalukuyan, may pagmamay-aring computer shop si Benjamin na pinagmumulan ng kanyang kabuhayan.  Nakatutuwang isipin na kahit nasa ganoong sitwasyon ay hindi niya ito nakikitang balakid upang magawa ang mga nais niya sa buhay.  Bukod dito, patuloy niyang pinapakita sa mga kagaya niya na posible pa ring marating ang mga nais nilang marating.

Mabuhay ka, Benjamin!  

Narito ang nagviral na video ni Benjamin:

I-click ang imahe para mapanood ang video ni Luigi TV | Facebook
Source :

Facebook

Loading…