Proposal video na nakaiinip ngunit kapana-panabik, nakaiinis ngunit nakakikilig

Imahe kuha mula sa video ni Fumiya at YamYam via Facebook
  • Isang proposal video ang nagpainip at nagpakilig sa mga netizens
  • Sobrang tagal na panahon ang hinintay nila para masaksihan ang proposal video mismo
  • Sa bandang huli, nagbigay ito ng tuwa sa kahit sino mang manonood

Marami na tayong nasaksihang proposal. Mayroong isinasapubliko at mayroon din namang sinisikreto lamang. May magarbo, samantala ang iba’y simple lang.

Imahe kuha mula sa video ni Fumiya at YamYam via Facebook

Ngunit ito na yata ang proposal na nakaiinip ngunit kapana-panabik, nakaiinis ngunit nakakikilig din, nakatutuwa at nakatatawa. Haha. Sa halos labindalawang minuto ba namang video na inupload sa Facebook page ng Fumiya at YamYam, ilang empleyadong babae na ang lumabas sa employee’s exit ng Juncarlo Cabatingan Robinson’s Department Store (Employees’ Exit) habang tahimik na naghihintay ang isang man in uniform na may nakahandang poster na may nakasulat na “Will you marry me?”

Ayon sa ilang netizens, napabilang sila nang matagal dahil mapapahula ka kung sino ba talaga ang babaeng hinihintay ng lalaking magpo-propose. Bawat bumababa sa hagdanan, pinananabikang baka siya na ang kasintahan nito. Kaya sabi ng isang netizen, “I therefore conclude that most employees are girls, and they’re about a hundred and twenty, maliban sa mga absent. Congratulations sa lahat ng nagbilang. Hahaha!”

Mayroon din namang naubusan na lang daw ng data sa internet kaya hindi man lang napanood ang mismong proposal.

Bawat empleyadong dumadaan ay napapalingon sa poster kaya naman tila mas nauna pa silang nakaalam sa mangyayari. Nagtumpok ang ilang babae sa isang sulok at habang tumatagal ay palakas nang palakas ang tili at hiyawan ng mga ito.

“Ano ba ‘yan. Grabe naman humiyaw. Kala mo nasa palengke eh!” sabi ng isang netizen.

Imahe kuha mula sa video ni Fumiya at YamYam via Facebook

Hanggang sa dumating na rin ang pinakahihintay ng binata!

Isa pala siya sa pinakahuling lumabas! Si ate na naka-blue na jacket pala. Inabutan siya ni kuya ng bulaklak at cake. Lumuhod na ang sumisintang man in uniform at inialay nito ang engagement ring sa kanyang iniirog na tinanggap naman ng nobya.

Sa sobrang ingay ng mga babaeng naghihiyawan, hindi na marinig kung may sinabi bang “oo” ang babae.  At natapos din ang proposal na nagsimula sa ika-10 minuto ng video.

Ang pangyayaring ‘yon kahit simple lang, mapapa ”sana all” ka.

Congrats sa inyong dalawa! Hangad namin ang masaya ninyong kasalan at buhay-mag-asawa.

Panoorin dito ang kapana-panabik bagamat may kahabaang proposal video.

I-click ang imahe upang mapanood ang video ni Fumiya at YamYam via Facebook
Source :

Facebook

Loading…