Sino’ng magbabayad? Magkakaklase pinaraffle ang kanilang PRC IDs sa waiter

Imahe Kuha mula sa video ni Ichizaki Magalona via Facebook
  • Ginawang kakaiba ng mga magkakaklase sa MSU ang pagpili sa kung sino ang mas malaki ang ibabayad sa kanilang hapunan
  • Pinaraffle nila ang kanilang mga PRC IDs sa waiter
  • Napili ang lalake nilang kaklase na agad namang tinanggap ang hamon

Ang Disyembre na yata ang isa sa may pinakamaraming pagtitipon o reunion ng mga magkakaklase .

Imahe via Pixabay

Sa buwang ito, umuuwi ang mga nagtatrabaho mula sa malalayong lugar dito sa Pilipinas o galing ng ibang bansa. Panahon ito upang magkamustahan at sariwain ang kanilang mga nakaraan.

Karamihan sa mga pagtitipon ay hindi naman pinag-uusapan sa simula kung sino ang magbabayad. Karaniwa’y hati-hati ang lahat o kanya-kanyang kontribusyon ang ibinibigay depende sa kayang iambag.

Ngunit para sa mga magkakaklase sa kolehiyo ng Mindanao State University- General Santos na mga inhinyero na ngayon, naiiba ang kanilang diskarte na talaga namang nagbigay ng katuwaan sa lahat. Inilabas nila ang kanilang mga PRC IDs at inilagay ito sa isang brown paper bag at saka ipinabunot kay manong waiter ang sasagot sa bayarin.

Ang siyang mapipili ang may mas malaki ang iaambag. Ngunit bago hinugot ng waiter ang ‘masuwerteng’ ID, ipinasa muna sa mga kaklase ang supot at inalog-alog ito hanggang sa dumating na ang takdang paghugot ng ID mula sa supot.

Imahe Kuha mula sa video ni Ichizaki Magalona via Facebook

Nang makapili na ang waiter pumunta muna ito sa isang sulok at tiningnan nang maigi ang ID. Nang humarap ito, tinanong siya, “Babae? Lalake?”

“Lalake!”sagot ng waiter. Tila mga nanalo sa lotto ang mga babae’t naglulundagan sa tuwa dahil siguradong wala sa kanila ang may-ari ng ID na hawak ng waiter. Kasunod nito, inilarawan niya na mahaba raw ang buhok. At dalawa sa kanila ang kinutuban hanggang sa tuluyang ibinunyag ng waiter na ang ID na hawak niya ay pagmamay-ari ni Larry Jay  Constantino.  Agad namang napahawak sa zipper ng bag si Larry. Haha.

Imahe Kuha mula sa video ni Ichizaki Magalona via Facebook

Doon nagwakas ang masayang video ng grupo. Okay lang yan. Hindi naman sinabing siya magbabayad ng lahat kundi mas malaki lang ang kontribusyon niya.  Siguradong ang tagpo nilang ito ay hindi nila malilimutan. Mauulit pa kaya?

Panoorin ang nakatutuwang video ng magkakaklase na umabot na sa 1.5 million views at 27,000 shares.

I-click ang imahe para mapanood ang video ni Ichizaki Magalona via Facebook
Source :

Facebook

Loading…