Memories! Ang tasang naglalaman ng mga paborito mong meryenda sa eskwela noon; ‘sopas, goto, tsamporado, atbp’

Image via Batang Pinoy-Ngayon at Noon | Facebook
  • Hindi makalilimutan ng marami ang plastik na tasang naglalaman ng mga soup na ibinebenta noon sa paaralan
  • Iba’t iba ang tinda kada araw: sopas, goto, tsamporado, at iba pa
  • Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng mga “young once” ang tasa ng soup na binibili nila noong sila pa ay nasa elementarya

Maaari mo ba namang makalimutan ang tasang pinaglalagyan noon ng iyong meryenda sa eskwela?

Image capture from Facebook

Hindi makalilimutan ng marami ang plastik na tasang naglalaman ng mga soup na ibinebenta noon sa paaralan sa tuwing oras ng meryenda. Iba’t iba ang tinda kada araw: sopas, goto, tsamporado, at iba pa.

Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng mga “young once” ang tasa ng soup na binibili nila noong sila pa ay nasa elementarya. May mga nakaalala rin kung paano ang sistema noon kapag sila ang nakatoka na magtinda ng mga pagkaing nasa tray na mula sa kanilang kantina sa paaralan.

“Lagayan ng goto, sopas, miswa, at tsamporado,” pagbabalik-tanaw ng social media user na si Ellen Rabano. “Kapag sinusuwerte ka, puwede rin sago’t gulaman.”

“Panahon ko ito,” pag-aalaala ni Celerina Cubelo. “Noong nasa elementary ako, nilalagyan ng lugaw na yellowcorn. Pumipila pa nga kami noon, tapos wala nang kutsara-kutsara pa. Hinihigop na lang.”

“Iyong sopas, champorado, at lugaw ang laman palagi niyan,” ani Valdez Ruben Compuesto. “Tapos minsan naman, macaroni na maraming ketchup. Saan ka pa?”

Kuwento naman ni Marc Estacio, “Tsamporado, ginataang mais. Hahahaha! Kapag hindi ka bumili kasama iyong monay na may palaman na peanut butter, hindi maaalis ang pangalan mo sa noisy. Hahaha!”

Image capture from Facebook

Ikaw, ano ang madalas mong meryenda noong nasa elementarya ka? May mga alaala ka rin bang hindi makalilimutan sa mga maliliit na tasang ito? O sa mga pagkaing madalas kinakain mo noon? Ibahagi ang iyong kuwento sa comments section!

Source :

Facebook

Loading…