Tatay Ruben: Amang nawalay sa pamilya ng 20 taon, nakauwi na matapos dumagsa ang tulong

  • Nanawagan si Camille Ramos sa social media upang matulungang makauwi si Tatay Ruben sa kanila
  • Tunghayan ang mga biyayang bumuhos hanggang makauwi ang ama sa kanila

Naaalala pa ba ninyo si Tatay Ruben Concepcion? Siya ang amang tinulungan ng isang dalagang nangungulila rin sa kanyang ama upang makauwi sa kanilang pamilya.

Imahe via Camille Ramos | Facebook

Disyembre, itinampok ng Kapuso Mo Jessica Soho sa kanilang programa ang nag-viral na post ng dalagang si Camille Ramos.

Noong mga nakaraang buwan, ipinost ni Camille sa social media ang kuwento ng isang 68 taong gulang na ama na minsan niyang nakilala nang magpaayos siya ng payong. Dito niya nalamang 20 taon na palang hindi nakauuwi si Tatay Ruben dahil sa kahirapan.  Umalis siya ng Bayawan City, Negros upang maghanap ng trabaho.  Ngunit naging mailap ang suwerte at imbes makaahon sa buhay, kulang pa sa pang-araw araw na pagkain ang kinikita niya.

Nakatira siya sa isang maliit na barung-barong.  Subalit sa kabila ng lahat napahanga si Camille dahil sa pananatili ng kabaitan at katapatan ni tatay. Sa tulong din ni Camille nakausap nito ang bunso niyang anak sa cellphone.

Matapos maipalabas ang kanyang kuwento, dumagsa ang tulong kay Tatay Ruben. Marami sa mga nagpaabot ng donasyon ang personal na bumisita sa kanya sa Antipolo upang magbigay ng mga damit at pagkain.

Disyembre 19, 2019, sinamahan siya ng GMA Public Affairs Social Media Team sa pagkuha ng ID at pagbukas ng bank account upang doon maideposit ang nalikom na perang donasyon para sa kanya.   Isang Kapuso actress naman ang sumagot ng kanyang pamasahe papuntang Bayawan City, Negros Oriental.

Imahe via Camille Ramos | Facebook

January 18, hinatid siya ng GMA papuntang airport. Sumama si Camille upang makapagpaalam sa kanya. Nang sumunod na araw, sa kauna-unahang pagkakataon matapos ang dalawang dekada, nakauwi na rin si tatay sa kanyang pamilya.  Binati siya ng yakap ng kanyang bunsong anak na si Victoria.

Hindi kinakailangang may kakayahan upang makatulong sa iba. Gaya ni Camille, idinaan niya sa social media ang panawagan para kay tatay at matagumpay itong nakatawag ng pansin sa mga may ginintuang puso.

Mabuhay ka, Camille! At kay Tatay Ruben, masaya kami at magiging maayos na ang iyong pamumumhay kapiling ang iyong pamilya.

Panoorin ang kuwento ng buhay at ang pag-uwi ni tatay.

I-click ang imahe upang mapanood ang video ng GMA Public Affairs via Facebook

Loading…