Bukas na liham ng mga gobernador ng Cavite at Laguna sa isa’t isa, kinaaliwan sa social media

Images via Gov. Jonvic Remulla and Gov. Ramil Hernandez | Facebook
  • Kinaaliwan ng social media users ang mga bukas na liham sa isa’t isa ng mga gobernador ng Cavite at Laguna 
  • Nagsimula ang lahat nang sabihan ni Governor Jonvic Remulla si Governor Ramil Hernandez na “ganiyanan na, ha” matapos hindi makalusot sa checkpoint papasok ng Laguna
  • Sumagot si Hernandez na huwag sanang masamain ni Remulla ang pagdedeklara niya ng total lockdown dahil lagi naman daw siya nitong inuunahan magsuspinde ng klase 

Sa gitna ng mga negatibong post sa social media sa kasalukuyan, kinaaliwan ng maraming netizens ang mga bukas na liham sa isa’t isa nina Cavite Governor Jonvic Remulla at Laguna Governor Ramil Hernandez.

Image capture via Facebook

Nagsimula ang lahat nang sabihan ni Remulla si Hernandez na “ganiyanan na, ha” matapos itong hindi makalusot sa checkpoint papasok ng Laguna na ngayon ay nasa ilalim ng total lockdown.

“Ganyanan na, ha. Dehins ako pinalusot ng checkpoint mula Brgy. Inchikan, Silang papuntang Nuvali. ‘Bawal daw’ sabi ng hepe mo. Balewala werpa ko sa checkpoint mo. Tandaan mo na likas ang yabang at tapang naming mga Kabitenyo. Ang mga taga-Laguna, mga maka-Diyos. Tingnan mo pangalan ng mga bayan mo: San Pedro, Santa Cruz, Sta. Rosa. Kami rito: General Trias, General Aguinaldo, General Mariano Alvarez. Nilikha kami sa digmaan,” aniya.

“Huwag ko nang marinig na tatawid ka ng SLEX papuntang Maynila. Magtatayo ako ng checkpoint sa Carmona para ‘di ka makatawid. Umikot ka ng Rizal ngayon para maramdaman mo ang nararamdaman ng mga kababayan ko,” sabi pa ni Remulla, na nilagdaan ang bukas na liham bilang isang “dating kaibigan”.

Ngunit sa huli, nilinaw ni Remulla na biro lamang ang lahat ng nasa open letter niya.

Image capture via Facebook

“Joke lang po ito. Even governors observe quarantine procedures. Dapat lahat tayo,” aniya.

Sumagot naman si Hernandez na huwag sanang masamain ni Remulla ang pagdedeklara niya kaagad ng total lockdown dahil lagi naman daw siya nitong inuunahan magsuspinde ng klase tuwing may bagyo.

“Kapag may ulan o bagyo, lagi mo akong inuunahan magdeklara ng walang pasok, kaya lagi akong naba-bash ng mga masisipag pumasok dine sa amin kahit mahina naman ang ulan dito sa Laguna. Ngayon, h’wag mo naman sanang masamain na ako naman ang nauna na nagdeklara ng total lockdown. Panalangin naming mga taga-Laguna ang kaligtasan nating lahat. At pahiram naman ng mga mandirigma mo riyan para sa matitigas ang ulo dine sa amin,” saad niya sa caption ng pinagtabing larawan nila ni Remula.

“Kung papogian naman ang usapan, mas matangkad ka lang sa akin pero tao na magsasabi kung kaninong gobernador ang mas pogi,” wika ng gobernador bago tapusin ang kanyang bukas na liham.

Sa dulo, nilinaw niya na nagbibiro lamang din siya kagaya ni Remulla.

“Joke lang din ito. Maraming salamat sa iyong pang-unawa. Kaya kayong mga kapitan at mga mayor, huwag kayong mag-aaway kapag may nag-lockdown na barangay, bayan, o siyudad. Mag-unawaan tayo,” aniya.

Samantala, tumugon pa muli si Remulla at sinabi na huwag na nitong isipin kung nauuna siyang magsuspinde dahil sa Calamba, Laguna nag-aaral ang anak niya kaya anunsyo ni Hernandez ang inaabangan nito at hindi sa kanya.

Sa huli, hiniling niya na sana ay matapos na ang nagaganap na krisis na dulot ng COVID-19.

Image capture via Facebook

Loading…