Kalabasang ani ng mga magsasaka ng Alabel, binili ng kanilang lokal na pamahalaan upang ipamigay bilang relief goods

Imahe via Alabel Information Office | Facebook
  • Binili ng lokal na pamahalaan ng Alabel ang kalabasang ani ng kanilang mga magsasaka 
  • Kasama ito sa ipamamahagi na relief goods
  • Magbibigay din ang pamahalaan ng mga semilya ng gulay upang itanim ng mga residente

Kanya-kanyang diskarte ang bawat mayor ngayong panahon ng quarantine kung paano mapabilis ang tulong at maibsan ang hirap na nararamdaman ng mga residenteng nawalan ng hanapbuhay.

Imahe via Alabel Information office | Facebook

Sa Munisipalidad ng Alabel, Sarangani Province, binili ng lokal na pamahalaan ang mahigit isang libong kilong kalabasa na ani ng kanilang magsasaka upang ipamamahagi sa mga residente. Sa pangunguna ng kanilang pinuno na si Mayor Vic Paul M. Salarda, MPA, layunin nilang tulungan ang kanilang mga magsasaka sa lugar.

Sa tulong ng kanilang municipal agriculturist na si Enriquito Daguplo, natunton ang mga tanimang ito. Ang pangunahing produkto ng Alabel ay kopra kaya mabuti na rin at dumarami ang nagtatanim ng gulay. Maliban sa kalabasa, napag-alaman ding may taniman ng sitaw at talong.

Hinikayat ng mayor ang mga residente na magtanim na rin ng gulay. Mamimigay ang Office of the Municipal Agriculturist ng mga semilya ng gulay para itanim.

Ang mga kalabasang binili ng pamahalaan ay mula pa sa Barangay Tokawal na pinatubo sa organikong pamamaraan.

Malaki ang pasasalamat ng mga residente sa kanilang pamahalaan.

Imahe via Alabel Information Office | Facebook

Nauna nang namigay saa Baguio, ang City Veterinary Office-Agricultural Services Division ng mga buto ng gulay upang itanim sa likod-bahay ng mga residente. Sapat naman daw ang suplay ng pagkain sa bansa ngunit malaki na rin ang maitutulong ng sariling pananim.

Ang pamamahagi ng gulay bilang relief goods ay karaniwang suhestiyon ng mga mamamayan ngayong quarantine maliban sa mga de-lata. Nasa bahay naman daw kasi ang mga tao at nakakapagluto.

Sana’y tularan ang munisipalidad na ito sa kanilang magaling na ideya sa pagtulong sa kanilang mga magsasaka.

Loading…