Tatay na nakilala sa socmed dahil sa dalawang araw na walang makain, tinulungan din ng Syrian vlogger

Imahe via Maemae Surio, Imahe via The Hungry Syrian Wanderer | Facebook
  • Umabot sa sikat na Syrian vlogger and kuwento ng mangangalakal na nag-viral sa socmed dahil sa dalawang araw itong walang makain
  • Agad na humanap ng paraan si Basel para makausap ang uploader at makita si tatay upang makabigay ng tulong
  • Binilhan niya ng groceries, bigas at binigyan ng pera si tatay upang  makaraos habang tuloy pa ang lockdown

Marso 30, inupload ni Maemae Surio sa Facebook ang video ni Tatay Antonio ng Las Piñas na lumapit sa kanya upang manghingi ng barya pambili ng pagkain.

Imahe via Maemae Surio | Facebook

Pinagtimpla niya si tatay ng gatas, binigyan ng biskwit at pagkain. Halatang gutom na gutom siya dahil nangangatog ang kanyang katawan. Dalawang araw na raw siyang walang makain. Hindi kasi siya makalabas upang mangalakal ng basura dahil sa enhanced community quarantine.

Hiniling ni tatay na maipost ang kanyang kuwento sa social media. Baka sakaling may makatulong umano sa kanya.  Agad namang may tumulong kay tatay at nagbigay sa kanya ng pagkain.

Dahil taga Las Piñas din ang sikat na vlogger na si Basel na kilala sa social media bilang The Hungry Syrian Wanderer, madaling nakarating sa kanya ang video. Gumawa ng hakbang si Basel upang makausap ang uploader para madalaw si tatay.

Namili siya ng mga grocery items at iba pang pangunahig pangangailangan ni tatay gaya ng bigas, de lata, gulay, gatas, biskwet at tinapay. Dinala niya ang mga ito sa bahay ni Maemae kung saan naghihintay si tatay Antonio.

Imahe via The Hungry Syrian Wanderer | Facebook

Nagkita rin sila ni tatay at Maemae at ibinigay ni Basel ang mga dala niya. Napag-alaman niyang dati palang security guard si tatay ngunit nawalan na ng trabaho. Ngayon, kumikita siya sa pangangalakal ng basura. Nagbigay naman siya ng mensahe upang palakasin ang loob ni tatay.

Bukod pa sa groceries, nag-abot din siya ng pera. Nagpasalamat si tatay at malaking tulong ang kanyang natanggap upang makaraos sila ngayong quarantine.

Ang pagtulong sa Pilipino ay hindi na bago kay Basel. Kamakailan lang, binigay niya sa isang mangangalakal ng basura na naglakad lang mula Cavite hanggang Las Piñas ang kalahati ng kaka-grocery lang niyang mga pagkain. Napaiyak ang lalaki sa tuwa dahil bukod sa hirap sila sa buhay bago lang siya nawalan ng ina.

Salamat, Basel. Ang mga kagaya mo ang siyang nagpapatuloy sa  diwa ng bayanihan sa ating bansa kahit na ikaw ay isang banyaga.

Tunghayan ang pagkikita nila ni tatay sa video na ito.

Source :

Facebook, YouTube

Loading…