Francis Leo Marcos, bago dinakip ng NBI, natulungan pa ang lolang nakalugmok sa bangketa

Imahe via Steffie Han | Facebook | Imahe via Jhoy Fernandez Crizaldo } Facebook, Imahe via Francis Leo Marcos | Facebook
  • Nagpaabot ng tulong si Francis Leo Marcos sa lola na ni-rescue ng barangay dahil sa kalagayan nito sa bangketa
  • Ipinadala niya ang kanyang mga tauhan upang magbigay ng mga pangunahing pangangailangan ng matanda
  • Samantala, pagkalipas ng ilang araw, dinampot si Marcos ng NBI dahil sa paglabag sa Optometry Law

Ilang araw bago dinakip si Francis Leo Marcos, natulungan pa nito ang nag-viral na lola na nakahiga sa mga karton at basa pa sa ulan.

Imahe via Steffie Han | Facebook

Mayo 15, nag-viral ang post ni Steffie Han sa social media. Ito ay isang panawagan upang mabigyang pansin ang isang lola na nakahiga sa bangketa sa Barangay 93, Pasay City. Umulan nang araw na iyon kaya lalong naging kaawa-awa ang sitwasyon ng lola. Nabasa siya ng ulan kaya siya nanlalamig. Naikuwento ni Steffie Han na hindi raw nakagawa ng aksyon ang taga barangayat  bagkus, pinapaalis pa raw nila ang matanda.

Nang hapong iyon, matapos mag-viral ang kanyang kuwento, dumating ang taga barangay at ni-rescue na rin si lola. Kinupkop siya at pinakain.

Mayo 17, umabot ang balitang iyon kay Francis Leo Marcos, ang siyang nagpauso ng “Mayaman Challenge” at agad naman siyang nagparating ng tulong.

Sabi niya sa video, “Nadurog po ang aking puso. Inutusan ko po ang aking team sa pangunguna ni Mary Ann Victori at Nestor Victori.“

Binanggit pa niya ang ilang mga importanteng tao at mga opisyal ng barangay na silang nagtulong-tulong upang mapuntahan si lola. Pinaliguan si lola, binihisan at pinakain. Binigyan na rin siya ng pera. Ibinili ito ng mga nag-aalaga sa kanya ng pagkain at mga bagong damit.

Imahe via Jhoy Fernandez Crizaldo | Facebook

Sa mga pinakahuling litrato ni lola, makikita ang malaking pagbabago sa kanya. Maaliwalas na ang kanyang mukha at nakakangiti na rin. Ang magandang balita, sa mga susunod na araw ay kukuhanin na siya ng DSWD. Masaya na rin ang mga netizens na nakasubaybay sa kanyang kuwento.

Samantala, nabigla naman ang taong bayan nang dakpin si Francis Leo Marcos ng NBI dahil umano sa paglabag sa Optometry Law. Bawal kasi ang pamimigay ng salamin kapag walang pag-apruba ng Philippine Association of Optometry. Bukod pa riyan haharapin din niya umano ang ilan pang kaso kagaya ng human trafficking, estafa at violation against women.

Si Marcos, 40, ay biglang sumikat sa internet dahil sa kanyang pagkakawanggawa. Inumpisahan nito ang “Mayaman Challenge” na naghahamon sa iba pang mayayaman na tumulong ngayong may pandemya. Umani siya ng 1 million subscribers sa YouTube sa maiksing panahon.

Subalit marami ang nagdududa sa kanyang pagkatao at nagsasabing hindi raw siya totoong kamag-anak ng mga Marcos at iba raw ang totoo niyang pangalan.  Sinagot naman niya ang lahat ng ito sa isang panayam ng PEP.

Panoorin ang video ni FLM dito.

Loading…