Lalakeng hindi alam na may COVID ngayon, naghahanap ng trabaho para sa inang may sakit

Imahe via Mark Xon | Facebook
  • Isang lalake ang ilang araw nang napapansin ng concerned citizen na nakatambay sa labas ng kanilang shop
  • Nang makausap, naghahanap pala siya ng trabaho para makatulong sa inang may sakit
  • Ang masaklap, hindi niya alam na may pandemya ngayon kaya tinulungan siya ng concerned citizen na mapaabot sa social media ang kanyang kuwento

Sa panahon ngayon ng pandemya, may mga taong lumalabas pa rin dala ng matinding pangangailangan.

Imahe via Mark Xon | Facebook

Isang lalake ang napansin ni Mark Xon na ilang araw nang namamalagi sa labas ng kanilang shop sa Marikina. Nakausap niya ang lalake at napag-alamang siya ay si Marvin Rosal, 26 years old at taga Poblacion, Pangasinan. Kaya raw siya lumuwas dahil sa kagustuhan na makahanap ng trabaho para sa ina niyang may sakit. Kung saan-saan na raw siya napupunta.

Naawa si Mark at binigyan niya ng pagkain at kaunting pera si Marvin. Isa pang rebelasyon ang nakapagpalungkot sa sitwasyon nito. Hindi raw alam ni Marvin na may kumakalat na sakit ngayon. Ito siguro ang dahilan kung bakit hindi rin siya nakasuot ng mask.

“Sinabihan ko po siya kung ano po ang dapat niyang gawin at binigyan ko na lang din po siya ng face mask bilang proteksyon na rin,” sabi ni Mark sa post niya.

Halos mangiyak-ngiyak daw si Marvin sa pagkukuwento. Naisipan naman ni Mark na kunan siya ng litrato bilang tulong na rin niya at para ipanawagan sa social media. Baka may makakita na nakalakilala sa kanya at maihatid siya pauwi.

Dagdag niya, “Wala po siyang deperensya. Maayos naman po siya na kausap. Dala lang din po siguro ng pagbabakasakali niya dito sa siyudad pero wala daw pong tumatanggap sa kanya. Madalas pa daw siyang mapagkamalan.”

Imahe via Mark Xon | Facebook

Dahil sa enhanced community quarantine, maraming mga negosyo ang pansamantalang nagsara kaya lalong mahirap na makahanap ng trabaho ngayon. Subalit, kahanga-hanga ang kanyang lakas ng loob na maghanap ng paraan upang makatulong sa ina.

Sana’y matulungan si Marvin at makauwi na sa kanila dahil sa tingin namin mas ligats siya kasama ang pamilya kaysa kung nasaan siya ngayon na palaboy-laboy.

Source :

Facebook

Loading…