Lolang nakahiga sa karton at basa sa ulan, na-rescue dahil sa viral post ng concerned citizen

Imahe via Steffie Han | Facebook
  • Ipinost sa social media ng isang concerned citizen ang larawan ng lola na nakahiga sa karton at basa sa ulan
  • Ninais niyang makatawag ng pansin upang maihatid si lola sa DSWD dahil bigo siyang makakuha ng tulong mula sa barangay
  • Nang mag-viral ang post, na-rescue si lola ng barangay at nasa mabuting kalagayan na ngayon

Sa tulong ng social media, nabigyan ng pansin ang isang lola na basang-basa at nakahiga sa tabi ng daan.

Imahe via Steffie Han | Facebook

Mayo 15, ipinost sa Facebook ni Steffie Han ang mga larawan ng isang lola na nakahiga sa pinagtagpi-tagping karton sa may bandang 2467 Taft Avenue, Barangay 93, Pasay City. Dahil umuulan sa araw na iyon dala ng bagyong Ambo, basa si lola at nilalamig.

Sa post ni Steffie, nanawagan siya sa DSWD na bigyang pansin si lola. Siya ay nakakausap at sumasagot sa mga tanong ngunit hindi makabangon at makalakad. Ang nakalulungkot, isiniwalat ni Steffie na  pinansin naman daw si lola ng mga taga barangay nila ngunit pinapaalis lang.

Hiling niya sa barangay official na sana may kumuha na sa matanda para maihatid sa DSWD ngunit bigo siyang matulungan ito. Dahil dito, hinikayat ni Steffie ang mga netizens na i-share ang kanyang post upang makarating sa DSWD.

Imahe via Steffie Han | Facebook

Nag-viral ang kanyang kuwento. Umabot ito sa 76k reactions, 24k comments at 116k shares. Kaya noong hapon, dumating ang taga barangay upang i-rescue si lola. Marami ang natuwa dahil dumating na ang tulong subalit nadismaya naman ang iba dahil kinakailangan pa palang i-post at mag-viral upang mabigyan ng askyon ang kahabag-habag na sitwasyon nito.

Sa mga nambatikos sa nag-post, ipinaliwanag niya na agad siyang naghanap ng tulong ngunit hindi niya ito tinangkang buhatin dahil sa social distancing at baka rin mali ang buhat na magawa sa lola pagkat hindi pa batid kung ano ang kalagayan niya.

Samantala, dalawang pamilya naman ang nagpahayag na baka siya ang nawawala nilang ina. Ayon kay Jeemar Ceniza, nawawala raw ang mama nila. Ngunit nang mapag-aralan ang larawan, kamukha lang daw nito ang kanilang ina. 50 anyos umano ang mama nila samantalang mas matanda tingnan si lola.

Kuwento naman ng isa pang netizen, noong Marso pa hindi nakauuwi ang kanilang ina na si Elena Fabula na may dementia. Medyo kahawig din nito si lola kaya inaalam nila kung ano ang pangalan niya.

Imahe via Steffie Han | Facebook

Samantala ibinalita ng isang netizen na nasa mabuting kalagayan na raw si lola ngayon. “Sa Pasay na siya, nakahiga dto sa compound namin. Maya’t-maya silip sa kanya. Dinalhan din siya ng grocery at mga biscuit.”

Hindi pa malinaw kung bakit napunta siya roon o kung ano talaga ang nangyari sa kanya. Hiling namin na sana’y makabalik na siya sa kanyang pamilya.

Loading…