Memories! Bonggang damit ng TV noon na parang damit pangkasal, tatak ng dekada 80’s at 90’s

Imahe via Tawa sa ta | Facebook, Imahe via Pixabay
  • Parte ng taong 80’s at 90’s ang paglalagay ng damit sa TV at iba pang mga appliances sa bahay
  • Nauso ang lace na takip na sa sobrang arte ng disenyo ay parang damit pangkasal
  • Sa pagbago ng itsura ng telebisyon, hindi na gaanong ginagamit ito ngayon subalit sa mga may gusto ay may mabibili ka online

Naabutan mo ba ang panahon ng lumang telebisyon? Sa mga taong 80’s hanggang 90’s malakahon pa ang itsura nito, mabigat at minsa’y may kasama pang kabinet.

Imahe via Pixabay

Sa telebisyon naihahatid ang mga balita, libangan at edukasyon. Dati, dahil wala pang internet, isa sa bonding activity ng pamilya ang panonood ng TV. Sabay tumatawa, tumitili at naiinis sa mga pinapanood ang buong pamilya sa sala.

Ngunit hindi lahat ng tahanan noon ay may telebisyon kaya kadalasa’y nakikinood ang mga batang kapitbahay kung saan mayroon nito. Pero masaya pa rin, sama-sama ang kabataan sa agos ng simpleng buhay noon.

Imahe via Tawa sa ta | Facebook

Dahil ingat na ingat ang mga nagmamay-ari ng TV noon, nauso ang pagkakaroon nito ng telang damit bilang proteksyon nito sa alikabok. Kapag gagamitin, saka iaangat ang tela sa harap. Hindi lamang ito proteksyon kundi palamuti na rin. Mayroong simple lang at may iba naman na humahabol sa level ng mga lace na parang dadalo ng kasal gaya ng litratong ibinahagi dito.

Mas maarte na disenyo, mas maganda tingnan. Maraming nabibili nito dati. Samantala, ang iba naman ay sadyang nagpapatahi para sabay na rin sa tema o kulay ng kurtina sa bahay o takip ng sofa. Sa katunayan, hindi lamang ang telebisyon ang may ganitong damit noon. Uso rin ang malakurtinang lace na takip ng electric fan. Halos lahat ng appliances na yata ay ginagawaan noon ng damit.

Imahe via Aliexpress

Sa makabagong technolohiya, isang manipis na flat screen TV na ang mayroon ngayon. Hindi na rin masyadong ginagamitan ng ganitong takip. Subalit sa aming pagsasaliksik sa internet, mayroon palang ibinebentang damit nito online na halos pangkasalan din ang tema. Haha. Sa mga gusto pa ring lagyan ng takip ang kanilang TV,  maaari kang makahanap ng inspirasyon sa disenyo rito.

Nabago man ng teknolohiya ang itsura ng ating telebisyon, hindi mawawala ang memorya sa naggagandahang damit nito noon; kaugaliang tatak 80’s at 90’s na masarap sariwain.

Source :

Facebook

Loading…