Balikan: Rambbo, ang pangmatagalan na tsinelas ng batang 90’s

Imahe via Jaybriel Cruz Intia | Facebook
  • Sumikat noong 90’s ang tsinelas na Rambbo dahil sa tibay at pangmatagalan na gamitan
  • Paborito itong gamitin ng kabataan noon bilang pamato dahil sa taglay nitong bigat
  • Nagbahagi ang mga batang 90’s ng dahilan kung bakit ito ang paborito nilang tsinelas noon

Bago pa sumikat ang mga makukulay na tsinelas ngayon, may isang brand na minahal ng karamihan ng batang 90’s — ang Rambbo.

Imahe via Jaybriel Cruz Intia | Facebook

Ang tsinelas na Rambbo ay kulay itim at halos isang pulgada ang kapal. ‘Yan ang tatak ng pagkakakilanlan nito. Ang gilid ng tsinelas ay may iba’t-ibang kulay. Dahil sa kapal, nagiging mabigat ito. Ang strap ay malapad at karaniwang kulay pula, asul o berde. Hindi lang ‘yan, matigas din ito kaya talaga namang pang matagalan. Mas tumatagal pa sa relasyon ninyo. Haha.

Mahilig ka bang maglaro noon ng tumbang preso? Marami ang gusto itong gamitin na pamato dahil mabigat ito. Kumbaga, kung mas mabigat, mas malakas itong makatumba ng lata.

Kahit sa pagsisipa ng bola, tumatanggap ng hamon ang Rambbo. ‘Yon nga lang dahil sa bigat nito, mahihirapan kang tumakbo.

Sa kahit anong layo naman ng lalakarin mo, hindi sumusurrender ang Rambo slippers. Sa tigas nito, ikaw na ang magrereklamo dahil sa katagalan, napapaaray na ang mga paa mo.

Ginalugad namin ang social media kung ano ang masasabi ng mga mambabasa sa tsinelas na ito.

“Haha. Subok at matibay talaga ‘yan. ‘Yan binibili sa ‘kin ng mama ko, ‘yung tipong gusto ko ng magandang tsinelas kaso “Rambbo” daw para pang matagalan.”

“Ang Tatay Pepang ko halos taon ang binibilang ng tsinelas niya na Rambbo kasi sobrang tibay talaga at makapal pa pati kuya ko ‘yan din gamit.”

Imahe via Neil Bryan Sanchez | Facebook

“Yes ang fab kong tsinelas dati bata pa ’ko. 10 years ako nagtiyaga sa tisinelas na ‘yan. Matagal maputol at matagal mapudpod. Pag nasira, bili na naman ng bago. Matagal-tagal ang gamitan. Ngayon, ‘di na napapansin ang Rambbo.”

Sa kasalukuyan, mayroon pa rin nito sa merkado. Mas naging mabenta man ang makukulay na mga tsinelas ngayon, marami pa rin ang naghahanap nito dahil iba pa rin ang dala ng tsinelas na naging parte na ng nakaraan.

Loading…