Angel Locsin naging emosyonal nang mapag-usapan ang sitwasyon ng ABS-CBN

Images from Angel Locsin Instagram account
  • Angel Locsin napaiyak sa virtual press conference ng bagong programang “Iba ‘Yan”
  • Aminado si Angel na mahirap ang sitwasyong kinakaharap ng ABS-CBN ngayon
  • Hiling ng aktres na maipabatid sa tao na ang Kapamilya Network ay patuloy pa ring nagbibigay serbisyo 

Hindi napigilan ni Angel Locsin ang kanyang mga luha nang mapag-usapan ang kasalukuyang sitwasyon ng kanyang mother network, ang ABS-CBN.

Image via Angel Locsin | Instagram

Hindi kaila sa kaalaman natin na ang ABS-CBN ang kasalukuyang sarado dahil sa pagkapaso ng prangkisa nito.  Bumalik  ang mga piling programa ng Kapamilya network simula Hunyo 13 sa iba’t-ibang cable channel gaya ng Sky, Cable Link, G-Sat, at sa karamihan ng channel operators ng Philippine Cable Television Association.

Ayun sa ulat ng PEP, sa ginanap na virtual press conference ng bagong  programa ni Angel na “Iba ‘Yan”, naging emosyonal ang tinaguriang real-life Darna pagkatapos tanungin ng DZMM Teleradyo anchor na si Ahwel Paz kung ano ang hihilingin niya kung siya naman ang pagbibigyan.

Sagot ng aktres kay Ahwel, “Sir, ang laki po ng hihilingin ko sa inyo, na sana po mapagbigyan n’yo po kami. Siguro, aware naman po kayo sa sitwasyon namin ngayon, ng aming network.”

Nagpaalam saglit ang aktres na i-off muna ang kanyang camera at aayusin muna niya ang kanyang sarili dahil patuloy sa pagpatak ang kanyang mga luha.

Matapos ang ilang saglit ay agad naman itong bumalik at pinagpatuloy ang sagot.

Aminado si Angel na mahirap ang sitwasyong kinakaharap ng ABS-CBN ngayon ngunit patuloy silang lumalaban.

“Hinihiling ko po sana, kasi kailangan po namin iyong tulong n’yo para ma-spread sa tao na nandito po kami, patuloy po kaming nagbibigay serbisyo sa tao,” sabi ng aktres.

“Iba ‘Yan”

Image From Angel Locsin Instagram

Bilang isa sa mga prominenteng personalidad na nananatiling aktibo sa pagtulong sa kapwa sa gitna ng krisis, malapit sa puso ni Angel ang kanyang bagong programa, ngunit sa pagkakataong ito ay hindi siya ang bida.

Ibabahagi niya ang kuwento ng mga ordinaryong Pilipino na nagbibigay inspirasyon dahil sa kanilang pagtulong sa ating mga kababayan lalong-lalo na sa panahong ito.

Mapapanood ang “Iba ‘Yan” tuwing Linggo ng gabi, sa ganap na ika-6:15.

Narito ang pilot episode:

Loading…