Boyfriend na nagmamahal hiniling na payagan na ang angkas, naaawa na sa girlfriend na nagbibisikleta

Imahe via Dennis Tulabs | Facebook
  • Mula nang magka-lockdown, hindi na magkaangkas ang isang magkasintahan dahil bawal ito
  • Sa halip, nagbibisikleta na lamang ang girlfriend subalit hindi pa rin nasusunod ang social distancing dahil tinutulak siya ng nobyo upang tulungan sa tuwing napapagod
  • Hiling ng boyfriend na payagan na ang angkas dahil miss niya nang isakay ang girlfriend sa motor at hirap na rin itong mag-bike

Ipinagbawal ang pag-aangkas sa motor nang magsimula ang quarantine dahil hindi nito masusunod ang social distancing.

Imahe via Dennis Tulabs | Facebook

Kaya kanya-kanyang diskarte ang mga mag-asawa, magkasintahan, magkasama sa bahay o kanit sino mang dating umaangkas ng motor.  Marami ang nagbibisikleta upang makarating pa rin sa trabaho.

Isa na rito ang magkasintahang ibinahagi ng OBR Motovlogs kung saan dating umaangkas ang girlfriend sa kanyang boyfriend papuntang trabaho. Ngayong ipinagbabawal ang may angkas, nagba-bike na lamang ang girlfriend at sinasabayan siya ng kanyang nobyo na nakamotor.

Ngunit hindi rin nila nasusunod ang social distancing dahil tuwing napapagod kasi ang girlfriend, tinutulak siya ng kanyang nobyo. “Hindi rin naman biro yung Cavite-Makati vice versa, “ kuwento ng nobyo sa kanyang post.

Dagdag pa nito, ”Ayoko siya mag-bike mag-isa. Alam ko kung gaano kadelikado ang mga kalye at kung anong mga klaseng drivers mayron tayo at ayoko rin na mag-commute siya dahil baka sa pagco-commute pa siya mahawa. Kaya kahit sobrang delikado ng ginagawa namin, sumusugal kami.”

Ingat na ingat din ang boyfriend sa kanya dahil siya ang nagiging convoy sa kaliwa upang hindi magitgit ang kanyang girlfriend. Pagbabahagi niya, “Ako na rin ang nagsisilbing signal light sa likod, busina sa harap at headlight pag inabot na kami ng dilim.”

Imahe via Pixabay

Kung papayagan man ang mag-asawa sa angkas, hindi rin sila pupuwede dahil hindi pa sila mag-asawa.  Kaya may pakiusap siya. “Sana payagan na ‘yung magkaangkas kasi nami-miss ko na siyang isakay sa motor at alam kong pagod na siya pero kinakaya niya.”

Sa dalawang buwan na nasa ganoong sitwasyon sila, malaki pa rin ang pasasalamat niya dahil naging ligtas sila sa daan. Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa mga nakasama nila sa daan maski na ang mga traffic enforcers na hindi sila sinisita at nakaiintindi.

“Ibalik n’yo na po ‘yung angkas sa motor, please,” simpleng hiling niya.

Samantala, hanggang ngayon, hindi pa rin pinapayagan ang angkas o “back-riding”.

Ayon kay DOTr Assistant Secretary Goddes Libiran, mahihirapan ang mga traffic enforcers na inspeksyunin lahat ng riders upang makasigurong nasa isang bahay lamang o magkamag-anak ang mga sakay nito. Kukulangin daw sila ng tauhan.

Sana’y mawala na ang COVID para makabalik na sa normal ang lahat. Sa ngayon, kaunting tiis pa tayo.

Source :

Facebook, GMA

Loading…