Lolong makakalimutin na, nagpupumilit lumabas upang hanapin ang asawang nagka-COVID

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube
  • Kahit makakalimutin na si Lolo Rogelio, hinahanap pa rin nito ang asawa na nawalay nang magkasakit ng COVID
  • Araw-araw siyang nagpupumilit lumabas upang puntahan ang asawa na nasa COVID quarantine facility
  • Tunghayan ang kanilang muling pagtatagpo nang makauwi si lola na inabangan maging ng kanilang kapitbahay

Dala ng pagtanda , humihina ang ating memorya. Pero para kay Lolo Rogelio Dy, hindi ito hadlang upang hanapin ang asawang minsan nang nawalay dahil sa sakit na COVID.

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube

Ayon sa kanyang apo na si Jove Pascual, unti-unti nang nagiging makakalimutin si Lolo Rogelio, 76 taong gulang. Mga detalye gaya ng pangalan ng kanyang mga anak at ilan sila, hindi niya na matandaan. Sabi ng kinonsulta nilang expert, mayroon daw siyang moderate Alzheimer’s disease.

Kaya ngayong may pandemya, araw-araw nilang pinapaalala sa kanya na may virus na kumakalat at mas lalong binabantayan na hindi makalabas ng bahay dahil minsan na raw siyang nawala.

Ngunit pinakamahirap yata kay Lolo ang mawalay sa kanyang asawa na si Lola Erlinda na ngayon lamang nangyari sa loob ng mahigit limang dekadang pagsasama. Si Lola ay ipinasok sa quarantine facility noong  May 21 dahi nagpositibo sa COVID. Mula noon, araw-araw nilang pinapaalala kay lolo  kung bakit wala sa bahay ang kanyang asawa.

Minsan, nagpupumiit pa rin si Lolo Rogelio na lumabas upang puntahan si lola. Para kumalma, tinatawagan nila ang lola upang magkausap sila. Kuwento ni lola, kapag nagkakausap sila, pinapakilig niya ang asawa. Kaya naman pala!

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube

Hunyo 6, nakalabas si lola at ang tagpong iyon ay inabangan hindi lamang ng kanyang pamilya kundi pati na rin ng mga kapitbahay. Sa wakas, muling nagkita ang dalawa at dahil maraming nanonood, nahiya si lolo na yumakap kaya kinamayan niya lang ang asawa.

Natapos din ang kanyang pag-aalala. Ngayon, mas lalo pa umano siyang naging malambing sa pagbabalik ni lola. Hindi pa sila puwedeng magtabi noong una dahil may ilang araw pa na naka-isolate si lola. Pero palagi niyang sinisilip ang asawa sa kuwarto nito.

Nais sana ng pamilya na maipagamot si lolo subalit nang nawalan sila ng kamag-anak dahil sa COVID, malaki ang naging bill nito sa hospital. Mula noon hindi na nasundan ang pagpapatingin sa kanya.

Ang kuwentong ito ay inilabas ng GMA News.

Hangad namin ang marami pang taon nilang pagsasama upang maalagaan nila ang isa’t isa.

Panoorin ang buong kuwento sa video na ibinahagi ng Juan Love via YouTube channel.

Source :

YouTube, GMA News

Loading…