Construction worker na naglakad ng dalawang oras mula Cavite hanggang Makati, binigyan ng bisikleta ng isang negosyante

Imahe kuha mula sa video ng GMA News via YouTube
  • Ang construction worker na napabalitang naglakad ng dalawang oras mula Cavite hanggang Makati ay binigyan ng bagong bike ng isang negosyante
  • Malaki ang pasalamat niya sa negosyante dahil makatutulong ito upang hindi na siya mahihirapan sa transportasyon lalo na ngayong hindi pa puwede ang pag-angkas sa motor
  • Nagpasya noon ang construction worker na maglakad upang makadalo sa rapid testing ng kumpanya bago makabalik sa trabaho

Naalala n’yo pa ba si Leonel Antones, ang construction worker na itinampok sa GMA News dahil naglakad siya mula Bacoor, Cavite hanggang Makati? Isang negosyante ang nagmagandang-loob sa kanya.

36-anyos na empleyado naglakad mula Cavite hanggang Makati para makapagpa-rapid test, makapasok sa trabaho

Imahe kuha mula sa video ng GMA News via YouTube

Hunyo 4, pinuntahan ng negosyanteng si Alvin Melgar ang bahay ni Leonel upang magbigay ng bagong bisikleta. Malaki ang pasasalamat ng 36 taong gulang na construction worker dahil hindi na siya mahihirapan sa transportasyon papunta sa trabaho.

Noong Hunyo 2, pasado alas-dose ng hating gabi, naabutan ng GMA News si Leonel sa Parañaque.  Base sa kanilang panayam, dalawang oras na raw siyang naglalakad noon mula Bacoor papuntang Makati para lamang makadalo sa rapid testing na isasagawa sa kanilang tanggapan.

Magpapahatid raw sana siya sa motor ngunit dahil hindi pa pinapayagan ang angkas, nagpasya siyang maglakad. Nang tinanong ng GMA News kung hindi ba siya natatakot na nasa daan ng ganoong oras, sinabi niyang wala rin naman daw makukuha sa kanya.

Imahe kuha mula sa video ng GMA News via YouTube

Pakiusap niya sa gobyerno na  sana’y kinonsidera rin nito ang mga gaya niya na hirap sa transportasyon ngayong binuksan nang muli ang mga negosyo.

Kahit na ibinaba na sa general community quarantine ang Maynila, ipinagbabawal pa rin ang pag-angkas alinsunod sa social distancing. Sa suhestyon ng ilan na payagan ang “back-ride” basta’t mag-asawa o magkasama sa bahay, hindi rin daw kakayanin ng mga traffic enforcers na inspeksyunin lahat ng may kasamang sakay dahil sa kakulangan ng tauhan.

Imahe via R. Lomibao, Sir Esguerra | Facebook

Bumalik man ang operasyon ng ilang pampublikong sasakyan subalit limitado lang ang puwedeng ikarga ng mga ito sa pagsunod sa social distancing. Resulta nito, hindi kayang tugunan ang lahat ng nangangailangan ng transportasyon lalo na ang mga manggagawang papunta ng trabaho.

Sa ngayon, isa ang pagbibisikleta sa ginagawa ng iilan upang makarating sa patutunguhan.

Source :

GMA, DF News, YouTube

Loading…