Online seller natupad ang pangarap nang mapili sa ‘Kabuhayan ni Juan’ ng Eat Bulaga

Image capture of video by Eat Bulaga via YouTube, Imahe via Princess Sacatinto AbanTao | Facebook
  • Isang online seller ang masuwerteng napili na tumanggap ng tulong mula sa Kabuhayan ni Juan, isang programa ng Eat Bulaga
  • Sumali ang nangangarap na seller dahil gusto niyang magkaroon ng negosyo na matatawag niyang kanya
  • Masaya niyang ibinahagi sa social media ang maliit niyang tindahan na isa lamang sa tatlong inalok sa kanyang pangkabuhayan

Tunay na magbibigay ng pag-asa ang pagkakaroon ng pangkabuhayan upang maiahon ang pamilya lalo na ngayong quarantine. Maraming salamat sa programa ng Eat Bulaga kung saan nabigyan ng pagkakataon ang isang online seller na magkaroon ng sariling sari-sari store.

Image capture of video by Eat Bulaga via YouTube

June 20, napili si Princess Litan Sacantinto ng Tanauan, Batangas na tatanggap ng tulong mula sa Kabuhayan ni Juan Project. Anim na buwan nang nag-oonline selling si Princess ngunit sumali siya sa palabas upang magkaroon ng negosyong matatawag niyang kanya dahil mula pa sa kanyang pinsan ang mga binebenta niya.

“Kaya po sumali ako sa Kabuhayan ni Juan para maging sarili ko po ang negosyo ko,” kuwento niya sa Facebook.

Sa show ng Eat Bulaga, sinabi niyang may dalawa siyang anak, isang apat na taon at isang apat na buwan. Isang construction worker naman ang kanyang asawa.

Nang mabigyan ng pangkabuhayan, agad niyang ibinili ito ng mga paninda. Ipinost niya pa sa Facebook ang kanyang pasasalamat dahil natupad na rin ang kanyang hiling—isang maliit na sari-sari store.

Imahe via Princess Sacatinto AbanTao | Facebook

“Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa Diyos sa binigay sa ’king blessing. Maraming salamat sa Eat Bulaga lalo na kay Bosing. Hindi lang isang negosyo kundi tatlo pa—-sari-sari store, loading at online selling. Maraming salamat po talaga dahil sa dami-raming emails, pangalawa pa ako sa nabigyan ng Kabuhayan ni Juan,” pahayag niya.

Ang Kabuhayan ni Juan ay isang proyektong pangserbisyo publiko na inilunsad noong 2018 kung saan sinusuportahan nito ang mga indibiduwal na gustong magsimula o lumaki ang kanilang pangkabuhayan. Parte ito ng ika-40th anniversary ng Eat Bulaga.

Imahe via Princess Sacatinto AbanTao | Facebook

Abril 28 ngayong taon, nagkaroon ng panibagong bersyon ang palabas na ito bilang hiling ni Vic Sotto sa kanyang kaarawan. Ang pondo ay mula sa kita ng kanilang 25th anniversary special DVD, at ibibigay ito sa mga may maliliit na negosyo na naapektuhan ng enhanced community quarantine.

Ito ang ipinalit sa programamng “Isang Lapis Isang Papel” na pansamantalang natigil dahil nagkaroon ng quarantine ang bansa.

Samantala, sa mga gustong malaman kung paano sumali rito, i-click lamang ito.

Narito ang buong episode ng segment na iyon via YouTube channel ng Eat Bulaga!

Loading…