Pasahero imbes na magreklamo kusang nagbayad ng pamasahe para sa dalawang tao

Imahe via Baguio City Digest | Facebook
  • Nagbayad ng para sa dalawang pasahero ang isang lalaki upang makatulong sa drayber na kaunti na lang ang kinikita dahil sa quarantine
  • Kalahati na lang kasi ang puwedeng isakay ng mga dyip upang mapanatili ang social distancing
  • Ang mga netizens ay pumuri sa kanya dahil sa gawaing mas nararapat sa panahon ngayon

Kabilang ang mga drayber ng pampublikong sasakyan sa mga lubhang naapektuhan ng lockdown. Mahigit dalawang buwan silang pinagbawalang magbiyahe dahil sa quarantine. Ngayong nakabalik na sila sa ilang piling lugar, limitado naman ang puwedeng isakay na pasahero.

Imahe via Albert Rizon Teido via Facebook

Kamusta naman kaya ang kita sa bagong normal na setup?

‘Yan ang katanungan ni Albert Rizo Teido sa drayber ng kanyang sinakyang dyip.

“Wala kita…boundary, gasolina, tapos kalahati lang pwede isakay. Wala pa masyadong pasahero. Dati punuan. Nakaka-libo kami sa isang araw. Ngayon, masuwerte na kung maka-bigas pag -uwi. Ayos na din kesa wala.”

Nang marinig iyon, naantig si Albert at nagdesisyon na agad na magbayad ng para sa dalawang tao. Ang pamasahe sana niya mula Paliparan – Zapote Kalinisan ay Php 30 na dating Php 28 lang. Dalawang piso lang din pala ang nadagdag kahit na nabawasan ng kalahati ang puwedeng isakay sa dyip.

“Sige, kuya. Dalawa na po babayaran ko,” pahayag ni Albert.

“Talaga? Naku, salamat!” tuwang-tuwa na pahayag ng drayber.

Ibinahagi ni Albert ang kuwentong ito sa Facebook at mahigit 54k na ang nagreact sa kanyang post at binahagi pa ng 20k na beses.

Imahe via Baguio City Digest | Facebook

“Sa simpleng paraan makatutulong ka. Good job ka doon, kuya. Keep safe.”

Maraming netizens ang humanga sa kanyang kagandahang-loob ngunit higit pa roon, marami rin ang naantig dahil may kamag-anak silang drayber.

“Affected ako sa mga ganitong posts. Tricycle driver kasi ang tatay ko at naghuhulog pa sa motor niya monthly. Dati 55 pesos pag special trip. Ngayon 20 pesos na lang isang takbuhan. Almost Php 3k monthly ang bayad niya sa motor niya.”

Bukod pa kay Albert, marami ring iba ang nagbibigay ng extra na bayad sa mga drayber.

“Ako din ganyan sa tricycle. Dapat kasi tayo na magkusa kasi pag lugi pa drivers baka ‘di na lang sila lumabas. Tayo din mahihirapan. Tulungan naman. Pero kung sakto lang pera mo, ok lang. ‘Yong may mga sobra lang.”

Imbes na magreklamo, isang halimbawa si Albert sa iilan na nagmalasakit sa kapwa ngayong taghirap. Sa ganitong paraan, mas madaling makaahon ang kapwa natin.

Source :

Facebook

Loading…