Tatay tinanggihan ang 25 kilong bigas na ayuda dahil magsusuweldo na raw siya

Imahe via Barangay Sinawal| Facebook, Imahe via Pexels
  • Kahit hirap sa buhay, tinanggihan ng isang tatay ang 25 kilong bigas na ibibigay sana ng barangay bilang ayuda sa kanila
  • Idinahilan niyang magsusuweldo na raw siya kaya nais niyang ibahagi ang kanyang parte sa mga mas nangangailangan
  • Ibinahagi ng naghatid ng ayuda ang pangyayaring ito sa social media na tinawag niyang isang mapagpakumbabang karanasan

May mga taong salat na nga sa pamumuhay ay mas iniisip pa rin ang kapakanan ng iba. Ang kuwentong ito ay magtutro sa atin ng maraming leksyon na makuntento at magpasalamat sa kung ano ang mayroon tayo at isipin rin ang kapakanan ng iba..

Imahe via Barangay Sinawal | Facebook

Kahit holiday dahil sa Araw ng Kalayaan nitong Hunyo 12 ay pumasok si Aubie’ball Pertimos Doctora, isang BPOC ( Barangay Peace and Order Committee) secretarya ng Barangay Sinawal sa General Santos City upang mamahagi ng ipinangakong 25 kilong bigas sa bawat pamilya sa barangay. Nakatakda silang mamigay sa lugar ng Riverside nang araw na iyon. Ngunit tila naging napakamakabuluhan ng araw na iyon dahil sa ‘di inaasahang pangyayari.

Isang tatay ang tumangging tanggapin ang ayudang bigas sa kanyang pamilya. Katwiran niya ay dahil  magsusuweldo na raw sila kaya ibigay na lang daw ang bigas sa ibang mas nangangailangan.

Sinubukan nila umanong kumbinsihin si tatay na tanggapin ito ngunit bigo pa rin sila dahil sa tibay ng paninidigan nito.

Kuwento ni Aubie’ball, isang mapagpakumababang karanasan ang pangyayaring iyon. Pagdating nila sa bahay ni tatay, may kasama siyang mga bata na kumakain. Nagsasalu-salo sila sa iisang plato ng kanin. Ang kanilang ulam ay noodles na may malunggay lamang ngunit kita sa kanilang mukha ang kasiyahan. Hindi mapigilan ni Aubie’ball na kunan ng litrato ang eksenang iyon at ibahagi sa social media.

Imahe via Aubie’ball Pertimos Doctora | Facebook

Ayon sa kanyang pagkakaalam, isang kontraktwal na empleyado ng malaking kumpanya ng pinya si tatay kaya malamang ay sapat lang o kulang pa ang suweldo nito para mabigay niya lahat ng pangangailangan ng kanyang pamilya.

Dahil dito, para kay Aubie’all isa itong paalala sa mga mas nakaaangat sa buhay na halos makipag-away makuha lang ang kakarampot na ayuda. Nakahihiya diumano ang ugali ng iba na hindi nakukuntento sa kung ano lang ang mayroon at kayang ibigay ng gobyermo at kung ano ang mayroon ang  kapitbahay ay dapat mayroon din sila.

Saludo kami sa iyo, tay. Isa kang inspirasyon sa panahon ngayon. Naituro mo sa amin ang pagiging kuntento at pagkokonsidera na baka mayroon pang ibang mas nangangailangan kaysa sa amin.

Loading…