Conjoined twins ng Palawan muling nasilayan sa panibagong video: Ina may hiling para sa kambal

Imahe kuha mula sa video ni Chefbong Francia Estima via Facebook, Imahe via Chiara and Charina Nortega | Facebook
  • Taong 2017, nakilala sa buong mundo ang conjoined twins sa Palawan na sina Chiara at Charina Nortega
  • Ngayong taon, nakita silang muli sa isang video na nasa maayos na kalagayan ngunit magkadikit pa rin
  • May panawagan naman  ang kanilang ina upang maibsan ang hirap sa pagdadala sa kambal sa eskuwelahan at iba pang lugar

2017, unang itinampok sa Kapuso Mo Jessica Soho ang conjoined twins ng Roxas, Palawan na sina Chiara at Charina Nortega. Tatlong taon ang nakalilipas, kamusta na kaya sila?

Imahe kuha mula sa video ni Chefbong Francia Estima via Facebook

Ipinost ng programa ang pinakahuling video ng kambal na kuha ni Chefbong Francia Estima. Mas lumaki na sila ngayon. Hindi pa rin  alintana ng dalawa ang hirap ng kanilang sitwasyon. At gaya ng dati, magkadikit pa rin sila.

Sa video, isang lalake ang kumakausap sa kanila at nangungumusta. Sampung taon na ang kambal. Nag-aaral pa rin daw sila. Tinanong sila kung nahihirapan ba sila na magkadikit sila. Hindi naman daw.

Sa mas mahabang video na inupload ng Bisdak Cuisine TV, mapanonood ang panayam sa kanilang ina na si Sonia. Ikinuwento nito na hindi na napaoperahan ang kambal dahil sa proseso pa lamang ay maaaring makompromiso na ang buhay ng isa sa kanila. Pagkatapos ng operasyon, hindi rin umano siya mabigyan ng kasiguraduhan kung gaano katagal mabubuhay ang makaliligtas sa kanila. Dahil dito, mas pinili ng ina na hayaan na lamang silang magkadikit.

May panawagan din siya para sa kanyang mga anak. “Gusto ko po sanang magkaroon sila ng sariling nilang service kahit traysikad lang po, sir.”

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube

Nahihirapan na raw ang kanilang ina na isakay sila sa traysikel. Bukod sa araw-araw na gastusin papuntang eskuwelahan, minsan, hindi na raw sila kasya sa traysikel.

Ang kambal ay may kondisyon na craniopagus. Ibig sabihin nito, magkadikit ang kanilang cranium, parte ng buto ng ulo.

Anim na taong gulang lamang ang dalawa nang maibahagi sa KMJS ang kanilang kuwento. Marami ang naantig sa kanilang kuwento dahil maski hindi normal ang kanilang kondisyon, kinakayanan nilang mamuhay gaya ng ordinaryong bata.

Nag-aaral, nauutusan, kumakanta; lahat ng iyan ay nagagawa nila.

Imahe via Chiara and Charina Nortega | Facebook

Dumagsa noon ang tulong sa kambal mula sa iba’t-ibang panig ng mundo gaya ng Dubai, Switzerland at Singapore. May mga tumulong din na organisasyon upang mapatingnan sila sa mga eksperto.

Ngayong muli silang kumakatok sa ating mga puso para sa simpleng hiling, sana’y may tumugon sa kanilang pangangailangan para mas maging magaan ang kanilang sitwasyon.

Panoorin dito ang kanilang pinakabagong video.

Loading…