50 upuan na inilaan ng awtoridad ng Davao City para sa mga rallyista sa SONA ng pangulo, hindi nagamit

Imahe kuha mula sa video ng Super Radyo Davao via Facebook
  • Ang kapulisan ng Davao City ay naghanda ng 50 upuan para sa mga rallyista kasabay ng SONA ng Pangulong Rodrigo Duterte
  • Magkakalayo na inilagay ang mga ito sa Freedom Park upang masunod ng mga demonstrador ang social distancing kontra COVID
  • Ngunit dahil kulang sa mga hinihinging requirements ang mga rallyista at hindi akma ang araw na iyon sa schedule ng paglabas nila ng bahay, bigo silang makapag-rally

Sa ika-limang SONA ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 27, inasahan ang pagtitipon ng mga rallyista at pagpapahayag ng kanilang mga hinaing sa iba’t-ibang lugar sa bansa.

Imahe kuha mula sa video ng Super Radyo Davao via Facebook

Sa lungsod na kinagisnan ng pangulo, sa Davao City ay pinaghandaan ng awtoridad ang gaganaping kilos protesta. Hindi lamang sila pinaglaanan ng espasyo kung saan sila maglulunsad ng kanilang demonstrasyon, kundi, dahil sa banta ng COVID ay pinaghandaan pa sila ng mga upuan kung saan sila maaaring pumuwesto. Ito ay dulot na rin ng mahigpit na pagpapatupad ng social distancing upang maiwasang kumalat ang COVID.

50 upuan ang nakahanay na sa Freedom Park sa Roxas Avenue nung tanghali pa lang. Sa pangunguna ni Davao City Police Office Director PC Kirby John Kraft, bukod sa mga upuan ay nilagyan din ng barikada ang lugar.

Ngunit walang rally na naganap. Ayon sa panayam ni Donar Cano ng Super Radyo Davao sa isa sa mga rallyista, hindi umano sila nakapagsagawa ng kanilang aktibidad sa Freedom park dahil kulang sila sa mga requirements upang makapasok sa binarikadang espasyo. Tatlo umano ang hinihingi ng pulisya——- face mask, alcohol at FM pass (food and medicine pass).

Imahe kuha mula sa video ng Super Radyo Davao via Facebook

“Yon nga ang problema kasi majority po ng ating mga participants, Tuesday, Thursday at Saturday ang labas nila sa kanilang mga bahay. At may kakapusan din sa pagbili ng mga alcohol. ‘Yon nga, krisis ngayon. Kahit kami nga ang ginagamit namin sa bahay ay sabon at tubig kasi wala kaming pambili ng alcohol,” pahayag ng isang rallyista.

Dagdag pa niya, panggigipit daw ito sa karapatan nilang magpahayag.

“Kahit andito na tayo sa Freedom Park, hindi na kailangan ng permit, pati ang kapulisan ay nakikisawsaw sa programa ng mamamayan. Gustong kontrolin ang ating programa.”

Bukod pa riyan, ayaw umano nila magsagawa ng protesta sa isang lugar na para silang kinukulong.

“Saan naman po kayo nakakita ng programa ng bayan, bayan ng Southern Mindanao Region na may bangko na nilalagay?”

Mayroon na rin daw silang mga plano kung paano maipatutupad ang social distancing. Kaya nais sana nilang lumipat sa katabing kalsada at doon magtitipon ngunit hindi rin sila pinayagan.

Natapos ang araw na iyon na walang rally na naganap sa Freedom Park at hindi nagamit ang mga upuang inilaan para sa kanila.

Loading…