Food rider dumulog sa awtoridad upang ireklamo ang bogus buyer, mga pulis binayaran ang order

Imahe via PNP Good Deeds | Facebook
  • Isang food rider ang nagtungo sa istasyon ng pulis dahil nais nitong i-report ang bogus buyer na hindi na niya mahagilap nang ihatid ang order
  • Naawa naman ang mga naka-duty na alagad ng batas kaya nag-ambagan sila upang mabayaran na lamang ang mga pagkain
  • Umani ng pagsaludo ang mga awtoridad dahil sa pagpapakita ng malasakit sa kapwa

Nakalulungkot isipin na kahit sa paulit-ulit na hiling ng mga food riders na  huwag maging bogus buyer, nangyayari pa rin ito hanggang ngayon.

Imahe via PNP Good Deeds | Facebook

Isa na rito ang Food Panda rider na ikinuwento ng PNP Good Deeds sa social media. Dumulog ang rider sa Sta. Mesa Police Station dala ang bilao ng pansit at iba pang pagkain. Nanlulumo siya dahil matapos makuha ang order, hindi niya na mahagilap ang customer.  Sa madaling salita, na-scam si kuya.

Sa resibo na ipinost, umorder ang customer na nagngangalang  Felix Macadamia ng pancit bilao special, tokwa’t baboy, lechon kawali at sisig na may buong halaga na P1,540. 16 na items lang naman lahat at para bang kunwari marami-rami ang pakakainin tapos mawawala na lang na parang bula ang customer.

Imahe via PNP Good Deeds | Facebook

Subalit hindi na pinatagal pa ng mga pulis ang problema ni kuya dahil sila na mismo ang bumili ng pagkain. Nag-ambagan silang lahat upang bayaran ang pagkain at para hindi na rin daw masayang ang pagod ng rider.

Dahil dito, inulan ng papuri ang mga pulis sa kanilang ginawang pagtulong sa kapwa.

“Saludo po ako sir sa mabuting kalooban po ninyo at totoong pag mabuti ang puso pagpalain ka lalo ng Panginoon. God bless and keep safe always.”

“Itong tunay nga mga alagad ng batas. May puso sa kapwa niya. Saludo ako sa mga pulis na tulad n’yo mga sir. God bless you.”

Imahe via PNP Good Deeds | Facebook

“Buti na lang naisip mong magpunta ng police station kuya. Dapat talaga nirereklamo yung mga ganyang bogus buyer. Nakakahiya kang umorder ka pag nagkataon si kuyang rider yung kawawa. Salamat na lang at mabait ang mga pulis.”

Samantala, nanawagan din ang mga netizens na huwag gumaya sa bogus buyer dahil hindi rin biro ang hanapbuhay ng pagiging rider.

Sana’y matigil na ang mga ganitong pangyayari dahil hindi ito nakatutulong sa mga taong gaya ni kuya rider na nagsisikap upang malampasan ang kinakaharap nating krisis ngayon.

Source :

Facebook

Loading…