Kahanga-hangang ina, nagtrabaho sa konstruksyon para may maipakain sa pamilya

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs | Facebook
  • Napilitang magtrabaho sa konstruksyon ang isang ina nang malugi ang kabuhayan at maapektuhan ang trabaho ng mister gawa ng lockdown
  • Isang peligrosong trabaho ngunit tiniis nito ang pagod at hirap para lamang may pangtustos sa pamilya
  • Ibinahagi ng “Wish Ko Lang” ang kuwentong ito at binigyan ng pagkakataong magkitang muli ang pamilya at mahandugan ng bagong panimula

Nasubok ang kakayahan ng isang ina kung hanggang saan ang kaya niyang tiisin para sa pamilya nang mahiwalay sila ng kanyang asawa nang maglockdown.

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube

Hatid ng ‘Wish Ko Lang’ ang isang kuwentong magpapabilib sa atin sa isang ina na si Joan Diviva ng Laguna. Siya ay napilitang pumasok sa isang trabaho na karaniwa’y para sa mga lalake—-ang pagiging construction worker.

Si Joan ay isang fruit vendor samantalang construction worker naman ang asawa niyang si Sherwin Lacao. 14 na taon na silang nagsasama at biniyayaan sila ng tatlong anak.

Nang magka-lockdown nalugi ang negosyo ni Joan. Ang asawa naman niya ay hindi na nakauwi sa kanila at kulang na kulang ang kinikita.  Naiwang nangangamba si Joan dahil lumolobo na ang kanilang mga utang.

Nang may nagkuwento sa kanya na may nangangailangan ng trabahante sa konstruksyon, hindi na nagdalawang-isip pa si Joan. Sinubok nito ang mapanganib na trabaho para lamang may iuuwing panggastos sa pamilya. Pagod man, pilit niyang ginagampanan pa rin ang pagiging nanay para maasikaso pa rin ang mga anak. Tuwing tanghalian, umuuwi siya ng bahay para makapagluto para sa mga anak.

Imahe kuha mula sa video ng GMA Public Affairs via YouTube

Sinurpresa ng “Wish Ko Lang” ang pamilya. Sinundo nila si Sherwin sa Rizal at ginawan ng make-over si Joan at ang kanyang mga anak. Sa wakas, muling nagkita at nabuo ang kanilang pamilya. Isang eksenang hindi matutumbasan ang masasaksihan nang mga sandaling iyon.

Hindi lang iyan. Isang malaking kahon ang bumulaga sa kanila na may lamang items na tamang-tama para sa kanilang mga pangangailangan. Kasama rito ang scholarship grant para kay Kryza, cart at mga prutas para makapagsimula  muli sa kanilang negosyo, beauty products para sa online business, laptop, cellphones, pera at isang electric tricycle.

“Sulit po lahat ‘yong ginawa ko pong paghihirap, “ wika ni Joan.

Hangad namin na sana’y makabangon muli ang pamilya ngayong nasa kamay na nila ang pag-asang matagal na rin nilang inaasam.

At para kayo ay ma-inspire, panoorin dito ang buong kuwento mula sa Wish Ko Lang:

Source :

YouTube

Loading…