Babae may babala tungkol sa fake Shopee rider; pansinin ang text, pananamit at oras ng delivery nito

Imahe via Ariza Areth Alamil | Facebook
  • Isang babae ang inihayag sa social media ang kuwento tungkol sa pekeng rider na sumubok maghatid ng order sa kanya
  • Dis-oras na ng gabi kaya hindi niya ito hinarap dahil sa kahina-hinalang pakay nito
  • Sa kanyang pag-imbestiga lumakas ang kutob niyang isang pekeng rider ito dahil sa magkaibang text at suot nito kumpara sa totoong rider

Ngayong may COVID, mas dumami ang umo-order online dahil sa takot na madapuan ng virus kapag lumabas pa upang mamili. Ngunit paano kung may biglang darating sa iyong bahay para maghatid ng order sa dis-oras ng gabi at wala ka namang inaasahang delivery? Haharapin mo ba?

Imahe via Ariza Areth Alamil | Facebook

Isang  pangyayari ang ibinahagi ni Ariza upang maging babala sa lahat ng may pinapa-deliver. Kuwento niya sa Facebook, Agosto 9, bandang 8:44PM ay nakatanggap siya ng text mula sa isang nagpakilalang rider ng Shopee na nasa labas na raw siya ng bahay nila.

Mabuti na lang at hindi siya lumabas dahil naghinala na siya. Ngayon lang din niya naranasan na may ihahatid nang ganoong oras.

Kinaumagahan, ayon sa kanyang ama, may lalake nga raw kahapon na nakamotor at naghihintay sa labas ng kanilang bahay.

Imahe kuha mula sa video ni Ariza Ayeth Alamil via Facebook

Mabuti na lang at alam niyang marami ang modus ngayong taghirap. Mayroon ding curfew. Hindi niya lang umano sigurado kung kasama ba sa curfew ang mga deliveries.

Tiningnan niya rin ang kanyang Shopee account at wala naman daw siyang inaasahang delivery. Kaya naghinala na siyang peke ang rider na iyon at malamang may hindi magandang balak kapag hinarap niya.

Pinakita niya ang CCTV footage ng lalake. Naka-shorts lang ito at nakatsinelas, itsurang malayo talaga sa totoong rider.

Nagkaroon siya ng tsansang magtanong sa isang lehitimong Shopee rider at sinabi nitong hanggang alas-otso ng gabi lamang ang kanilang serbisyo.

Imahe via Ariza Areth Alamil | Facebook

Pinaghambing niya ang text mula sa Shopee at ‘yung nag-text sa kanya noong gabi. Magkaiba ang format ng dalawang rider. Hindi nito ginamit ang standard na text. Bigla na lang itong nagsabi na mula siya sa Shopee at nasa labas na raw siya.

Ang daming nauusong panloloko ngayon. Dahil sa gipit ang tao, kanya-kanyang hanap ang iba ng paraan paano magkapera. Maging maingat tayo sa lahat ng ating katransaksyon dahil maaaring hindi lehitimo ang iba rito at baka malagay lamang tayo sa panganib.

Mabuti na lamang at nanimbang muna si Ariza lalo pa’t maraming babala sa social media. Kaya nais niya rin itong maipaalam sa iba upang maging babala. Maging matalas po!

Samantala, panoorin ang video na kuha ng kanilang CCTV rito.

Source :

Facebook

Loading…