Drayber binigyan ng pagkain ng parking boy dahil sa pag-aalalang ‘di pa siya nakakain

Imahe via Joy Anne Vicente | Facebook
  • Naantig ang isang drayber nang inabutan siya ng pagkain ng isang batang parking boy
  • Nag-aalala na kasi ito dahil hindi pa siya nakapagpananghalian
  • Ang pinambayad ng drayber sa serbisyo nito ay siyang pinambili ng bata ng pagkain para sa kanya

Sila ang mga batang sinasalubong ka agad kapag magpa-park ka na ng iyong sasakyan. Sa konting barya, natutuwa na sila kapalit ang serbisyo ng paggagabay sa iyong maayos na parking. Sila ang mga batang parking boys.

Imahe via Unsplash

Ngunit para kay Joy Anne Vicente ng San Fernando, Pamapanga, higit pa sa karaniwang serbisyo ang kanyang naransan sa isang parking boy.

Nang araw na iyon, nagpaiwan siya sa sasakyan nang umalis ang kanyang ina at kasama nito upang mag-ayos ng mga dokumento. Mayamaya nang 12:20 na ng tanghali, lumapit ang parking boy na tumulong sa kanyang magparada. Di niya inaasahan ang magiging tanong nito.

Tinanong siya kung matatagalan pa siya sa paghihintay dahil nag-aalala ito na baka nagugutom na siya. Nag-alok pa ang bata na siya na lang ang bibili ng pagkain dahil may canteen raw sa malapit. Nanghingi siya ng bente pesos pambili.

Ngunit ayaw na magpaabala ni Joy Anne at maghihintay na lang daw siya sa mama niya dahil wala rin daw siyang wallet na dala. Siya rin ay nagtanong sa bata kung nakakain na ito. Nakisubo na raw siya sa mga security guard.

Umalis ang batang lalaki. Nang bumalik, kumatok siya at may inabot na turon kay Joy Anne. Ang binigay niya pala na 10 piso, binili pa nito ng turon dahil sa pag-aalala sa kanya.

Imahe via Joy Anne Vicente | Facebook

“Ate oh. Turon. Binilhan kita. Di ka kasi nagbigay ng bente eh. Para sana kanin na lang bibilhin ko. 20 lang naman ulam pwede na,” wika sa kanya ng bata.

Naantig ang puso niya dahil ‘di niya inaasahan na sa panahon ngayon may mga tao pa raw na ganito.

“I’’m so touched. May mga tao pa rin talagang ganito. Minsan kung sino pa yung walang-wala, sila pa yung nagbibigay. This made me realize even more na I’m really blessed and should be thankful kasi nasa maayos akong kalagayan. And for that, I should also have the capacity na makatulong in my own little ways. Kung siya, kaya niya so why can’t I? Why can’t we?” kuwento niya sa kanyang post sa social media.

Nalaman niya na ang bata pala ay pamangkin ng security guard at Joshua ang pangalan nito.

Ipinakita lamang ng parking boy na ang pagmalasakit sa kapwa ay walang pinipiling estado sa buhay.

Source :

Facebook

Loading…