Drayber hindi pinagbayad ng pamasahe ang pulis: ‘Ibalik mo lang ‘to. Frontliner ‘yan. Maliit na bagay tulong ko sa kanila’

Imahe via Gray Diocs | Facebook
  • Hindi tinanggap ng drayber ang bayad na pamasahe ng isang pulis
  • Akala ng pulis dahil wala lang panukli si tatay ngunit nilibre pala siya nito dahil tulong daw iyon sa kanya na frontiner
  • Ibinahagi niya sa social media ang karanasan at marami ang nagpatunay na talagang mabait na drayber si tatay

Kung ano man ang totoong hirap na pinagdadaanan ng mga frontliners ngayong may COVID-19, marahil sila lang ang mas nakaaalam. Ang simpleng pagpapahalaga sa kanila ay pumapawi sa pagod na kanilang nararamdaman.

Imahe via Gray Diocs | Facebook

Hindi inaasahan ni Gray Diocs, isang pulis ng Cotabato CIty, na makararanas ng kabaitan mula sa drayber ng dyip na kanyang sinakyan.

Pinaabot niya ang bayad na pamasahe sa pasaherong malapit sa drayber. Ngunit ipinabalik ito ni tatay sa kanya. Akala naman ni Gray ay walang panukli ang drayber kaya ipinabalik niya ito. Tinanong naman ng pasahero kung wala bang barya si tatay.

Ito ang naging sagot niya, ”Ibalik mo lang ‘to. Frontliner ‘yan. Maliit na bagay tulong ko sa kanila.”

Nagulat si Gray. Sa kaloob-looban niya, sinabi niyang,”Salamat tay! May nakaa-appreciate din pala sa’min kahit pap’ano. May Allah bless you po.”

Ibinahagi niya ang kuwento sa social media at hinangaan ng marami si tatay. Ang kanyang post ay umabot sa 15k reactions at 8.9k shares. Marami ang natuwa sa kabutihan ng drayber.

“Mashaallah! Parangalan si manong dahil concern siya sa lahat ng mga frontliners. Mabuhay po kayo, manong driver. May Allah bless you. At sa lahat ng mga frontliners, keep safe everyone.”

“Napakabait ni tatay. God bless po, tay. Nawa’y protektahan ka ni Lord para ‘di po kayo magkasakit.”

Imahe via Gray Diocs | Facebook

Samantala, marami sa mga netizens ang nakakakilala kay tatay dahil minsan na rin silang naging pasahero nito. Talagang mabait daw siya kasi may iilan din ang hindi pinagbayad.

“Napakabait po ni mamang driver. Dalawang beses po ako nakasakay sa minamaneho niyang sasakyan. Pag may sukli, binabalik niya talaga at pag hindi na nakuha ng pasehero sa ibang pasahero niya binibigay. Ayaw niya kasi na manlamang. Gusto niya halal ang hanap buhay niya.”

Ayon kay Gray, nakauniporme raw kasi siya nang araw na iyon. Balak niyang hindi magsuot ng uniporme sa susunod at magbabayad siya nang doble para makabawi.

Source :

Facebook

Loading…