Security guard na ninakawan ng ulam ng pusa, napawi ang galit nang malaman kung saan nito dinala ang isda

Imahe via Hilsy Policarpio Almerol | Facebook
  • Ang isdang uulamin sana ng isang security guard ay tinangay ng pusa
  • Nainis siya at sinundan ang pusa ngunit napawi ang kanyang galit nang masaksihan kung kanino nito ibinigay ang isda
  • Para pala sa dalawa nitong kuting ang isda kaya dahil dito may panawagan siyang huwag saktan ang mga ganitong pusa

Minsan ka na bang napagnakawan ng ulam ng pusa o aso? Ano ang iyong ginawa?

Imahe via Hilsy Policarpio Almerol? | Facebook

Natural ang makaramdam ng pagkainis sa ganitong pangyayari. Siyempre, kinuha sa iyo ito nang walang permiso. Imbes na may ulam ka na, maghahanda o maghahagilap ka pa ng maipamamalit.

Ganyan din ang naramdaman ni Hilsy Policarpio Almerol; isang security guard na nagkuwento sa grupo ng Bantay Animal Welfare sa Facebook. Tinangay raw ng isang pusa ang uulamin niyang bangus kaya siya nagalit.

“Nagalit ako noong una nang makita kong tinangay niya ang isang bangus na sana pangtanghalian ko.”

Ngunit nasundan niya ang pusa kung saan nito dinala ang isda. At dito nabago ang lahat ng kanyang himutok. Nawala ang galit niya. Dinala pala ito ng mama cat sa kanyang mga anak sa may atip.

“Pero no’ng makita kong pinakain niya sa mga anak niya, nawala bigla ang galit ko. What a big heart of a cat mother!” aniya.

Kinunan ni Hilsy ang kanyang nasaksihan.

Imahe via Hilsy Policarpio Almerol? | Facebook

Dalawang kuting na may kulay puti at itim ang tila masayang-masaya na kumakain sa dalang pananghalian ng kanilang ina.

‘Yan ang realidad ng mga pusang gala. Walang nagpapakain sa kanila kaya dumidiskarte sila kung paano mabubuhay lalo ‘yong may mga kuting pa. Wala silang pinagkaiba sa mga tao na may pag-aalala rin sa mga anak.

Nagpaabot siya ng mensahe sa kanyang post, “Please po pag nangyari po sa inyo ito, huwag n’yo pong sasaktan ang mga pusa dahil sila man din ay may pinapakaing anak.”

Pinuri siya ng mga netizens dahil sa kanyang ginawa.

“Kudos to you, sir! Thank you for being so open-minded to the mother cat. May God bless you even more.”

Imahe via Hilsy Policarpio Almerol? | Facebook

“Salamat. Tama ka. Parang tao din silang mga pusa. Parang tayo kakainin na lang natin ay ibibgay pa natin sa mga anak natin. Ganyan sila. Kaya mahalin at wag saktan kasi may damdamin din silang marunong masaktan katulad natin.”

Samantala, sana’y maging halimbawa ang ginawa ni Hilsy sa iba pang may kahalintulad na karanasan. Walang ibang maaasahan ang mga pusa at asong kalye kundi tayo lang. Magbigay tayo sa mga hayop na nagugutom. Darating ang araw, masusuklian din nila tayo dahil sa ating kabutihan.

Source :

Facebook

Loading…