Lalaking walang mga paa at binti hatid ay good vibes sa TikTok, followers lampas 600k na

Imahe via Diego Pasateimpo Garcia | Facebook
  • Viral sa Tiktok ang isang lalaki sa kanyang pagsasayaw kahit na walang mga binti at paa
  • Layunin nito na makapaghatid ng kasiyahan sa mga taong nasa gitna ng kalungkutan at karamdaman
  • May pagkukulang man sa pisikal na kaanyuan, binalewala nito ang mga pangungutya at nagsikap upang mamuhay nang normal

Marahil, nahihiya ang ilan sa kanilang kapansanan. Ngunit para kay Diego Garcia, hindi ito naging hadlang upang maipakita ang kanyang talento sa social media.

Imahe via Diego Pasatiempo Garcia | Facebook

Mayroon lang naman siyang mahigit 600k followers at 4.8M likes sa TikTok. Wala mang mga binti, ipinakita ni Diego na kaya niya pa ring magpakitang gilas sa pagsasayaw kaya marami ang humanga dahil sa good vibes na kanyang hatid.

Bukod sa pagsasayaw, isa rin siyang magaling na mang-aawit. Mayroon din siyang YouTube channel para sa kanyang mga vlogs.

Bata pa lang pangarap na ni Diego ang mag-artista at ito ang nag-udyok sa kanya na mag-TikTok.

May pagkukulang man sa pisikal na anyo, namumuhay pa rin siya nang normal.

Ayon sa programang Tunay na Buhay ng GMA, ipinanganak si Diego nang walang mga binti at paa. Ang tawag dito ay Tetra-amelia syndrome na maaaring sanhi ng pagka-exposed sa radiation ng ina habang nagbubuntis o pag-inom ng mga bawal na gamot. Agad namang natanggap ni Diego ang kanyang kalagayan.

Dahil sa kanyang kondisyon, hindi maiwasang tuksuin siya at minsan pa’y tinawag na manananggal ngunit binalewala na lamang ito ni Diego.

Imahe via Diego Pasatiempo Garcia | TikTok

Nagsikap siyang mag-aral at nakapagtapos ng kursong computer hardware servicing. Nagtatrabaho siya ngayon bilang isang office clerk sa tanggapan ng Provincial Tourism ng Davao de Oro. Papunta sa opisina, sumasakay siya ng traysikel o ‘di kaya’y nagpapahatid siya sa motor ng kanyang kapatid. Pagkarating sa trabaho, saka naman siya gumagamit ng wheelchair papasok ng gusali. Si Diego ang tumatayong bread winner ng kanilang pamilya.

Patuloy na gumagawa si Diego ng mga videos dahil sa kanyang pagsasayaw, nawawala ang kanyang lungkot at mga problema at nakapagpasaya pa siya sa ibang tao.

Isang inspirasyon ang hatid ni Diego at paalala na rin ito na kahit sino ay puwedeng mangarap at may mararating kapag magsumikap.

Panoorin ang isa sa mga videos ni Diego rito.

Source :

YouTube, YouTube

Loading…