75 taong gulang na lolo, pasan-pasan ang apo kahit saan magpunta

Imahe via Kapuso Mo Jessica Soho | Facebook, Imahe kuha mula sa video ng Kapuso Mo Jessica Soho via Facebook
  • Kahit 75 taong gulang na, nagbabantay pa rin ang isang lolo sa kanyang apo sa tuhod
  • Lulan ng isang basket, pasan-pasan niya ang apo kahit saan man siya magpunta, maging sa pagsasaka
  • Hindi man nakapag-aral, kinakaya ni lolo na matuto magsulat at magbasa dahil darating ang araw na kailangan niyang turuan ang apo

Ibinahagi ng Kapuso Mo Jessica Soho ang kuwento ni Lolo Juanito na taga New Corella, Davao del Norte.

Imahe via Kapuso Mo Jessica Soho | Facebook

Kahit na 75 taong gulang na, nagbabantay pa rin si lolo sa kanyang isang taong gulang na apo sa tuhod na si Javel. At katangi-tangi ang pag-aalaga nito dahil kahit saan man siya magpunta, kahit sa pagsasaka at pagsisimba ay kasama niya ang apo.

Inilalagay niya sa basket o bukag si Javel. Pasan-pasan niya ito sa kanyang likod habang naglalakad sila nang nakapaa ng kanyang asawa na si Lola Rosita papunta sa kanilang sinasakang bukirin. Isang matinding sakripisyo iyon para kay lolo dahil maliban sa bigat at matanda na siya, nanlalabo na rin daw ang kanyang paningin.

Hindi sila nakapagtapos ng pag-aaral ng kanyang asawa kaya sa pagbebenta nila ng mga ani sa bukid ay madalas daw silang maloko. Ngunit sa kabila niyan, pinipilit ni lolo matuto ng mga numero at letra man lang para turuan si Javel dahil ayaw nila itong matulad sa kanila.

Imahe via Kapuso Mo Jessica Soho | Facebook

Ngunit nasaan nga ba ang tunay na mga magulang ni Javel?

Nakatira sa tapat lang ng bahay nila lolo at lola ang kanyang mga magulang na sina Javel at Angel. Ngunit dahil noong anim na buwan pa lang ay iniwan na siya sa kanyang lolo at lola, hindi siya naging malapit sa kanila, bagay na masakit para sa kanyang mga magulang.

Bilang tulong, dinala ng KMJS sina lolo at lola sa optometrist upang masukatan ng salamin. Sinagot na ng optometrist ang kanilang salamin. Samantala, may namumumo umanong katarata sa mata ni lola kaya kailangan din itong mapasuri sa espesyalista.

Naghandog na rin ng mga groceries ang LGU Corella para sa kanila. Para mabigyan ng pag-asa si lolo Juanito na makapag-aral, in-enroll siya sa ALS (Alternative Learning System) ng DepEd. Binigyan na rin siya ng mga gamit pang-eskuwela.

Imahe via Kapuso Mo Jessica Soho | Facebook

Ang episode na ito ay tumatak sa mga netizens dahil sa kasipagan ni Lolo Juanito at kagandahang loob na mag-aalaga pa rin sa kanyang apo sa tuhod sa kabila ng kanyang edad.

Espesyal talaga kung maituturing ang pagmamahal ng mga lolo at lola sa kanilang mga apo. Kaya nilang magsakripisyo kung kinakailangan at mag-alaga sa mga bata na para na rin nilang mga anak.

Para sa mga nakaranas ng pag-aaruga ng mga lolo at lola, mananatiling buhay sa alaala ang mga sandaling iyon.

Naranasan mo rin bang alagaan ka ng iyong lolo at lola? Ano ang iyong masasayang alaala?

Panoorin ang kuwento ni Lolo Juanito rito:

Source :

Facebook

Loading…