Magmuni-muni: Para sa mga namimili online, bakit nga ba may delivery charge?

Imahe via Ailyn Mendoza | Facebook, Imahe via Canva
  • May mga suking hindi naiintindihan kung bakit may binabayaran pa silang delivery fee sa mga ipinahahatid na orders
  • Mahal daw ito at hiling ng iba, baka puwedeng ilibre na lang ang serbisyo
  • Basahin ang mga benepisyong hatid sa atin kapalit ng kaunting halaga na binabayad natin sa delivery

Dahil sa takot na mahawaan ng virus, mas pinipili ng iba ang umorder na lamang sa pamamagitan ng tawag o online shopping app at ipahahatid ang mga binili sa bahay.

Imahe via Canva

Ngunit, hindi lahat ay naiintindihan ang kahalagahan ng serbisyo ng delivery at mayroon pang nambabarat. Marami kang maririnig na reklamo mula sa mga mamimili. Mahal, hindi na kailangan, o minsan ay nakikiusap pa na gawing free na lang ang serbisyong ito.

Bakit nga ba may delivery charge?

Hango mula sa post ni Ailyn Mendoza sa social media, narito ang mga dahilan para lubos nating maintindihan ang kahalagahan ng serbisyong ito na siyang kinikita na rin ng mga riders. Mahal kung iisipin mong bakit may bayad, ngunit sulit naman sa kaginhawaan ang kapalit nito.

Hindi ka na pupunta sa tindahan kung saan mo gustong bumili. Makaiiwas ka sa siksikan ng tao lalo na ngayong may banta ng COVID. Makatitipid ka rin ng oras at lakas na puwede mo pang ituon sa ibang bagay.

Pagdating sa pamasahe, wala ka nang gagastusin dahil puwede mo nang ilaan ito sa delivery charge. At kung magco-commute ka, mahihirapan ka pa pagdating sa public transportation dahil hindi pa ito bumalik sa normal at kung may masasakyan ka man, mas mahal ang pamasahe ngayon dahil konti lang ang maaaring isakay.

Kapag may sasakyan ka naman, ‘di ka na rin magpapa-gas at makaiiwas ka rin sa traffic na maaaring dahilan pa ng pag-init ng ulo mo. Mapapagod ka pang magmaneho at kakain din ito ng oras mo!

Imahe via Ailyn Mendoza | Facebook

Umulan man o tirik ang init ng araw, gagawin ng rider ang lahat upang maihatid ang iyong order sa nakatakdang oras. Lalo na kapag milk tea pa ang inorder mo, magkakandarapa si rider na maihatid agad ito bago pa matunaw ang lahat ng yelo. Kaya nagbibigay ng tip ang ibang mga suki dahil alam nila ang pagod at hirap ng trabahong ito.

Higit sa lahat, isaisip din natin na dahil nasa labas sila parati, mataas ang banta ng COVID sa kanila. Kung tutuusin, hindi kayang bayaran ng anumang halaga ang buhay nila na nasa peligro palagi.

Sana ngayon, maiintindihan na natin kung ano ang kapalit ng binabayaran nating delivery charge.

Sa lahat ng riders na patuloy na nagseserbisyo kahit may pandemya, saludo kami sa inyo!

Source :

Facebook

Loading…