‘Photoshop’ noon: Idinikit mo rin ba ang inyong picture sa mga naggagandahang larawan noon?

Imahe via Ranel Trobillas | Facebook
  • Nauso noon ang mga larawan ng mga naggagandahang bahay o pook na idini-display sa sala
  • Ito ay mas ‘pinaganda’ pa sa pamamagitan ng paglalagay ng mga ginupit na larawan ng kapamilya
  • Nagbahagi ang isang netizen ng display na ito na nagpangiti sa kanya at nagbigay ng ideya kung ano ang  makalumang “photoshop” noon

Maraming bagay noon na minsan ay nagbabalik sa atin sa nakaraan at naghahatid ng ngiti.

Imahe via Genny Rose Ray Casumpang | Facebook

Naabutan mo ba ang mga larawan ng mga naggagandahang bahay o pook na nakasabit sa dingding ng mga sala noon? Nauso ito noong 70s-80s. Karaniwa’y nilalako ang mga malalaking frame na ito at sa abot kayang halaga. Tada! May palamuti na sa inyong sala.

Subalit para sa ilan, hindi ito naging simpleng display lamang. Sa larawan na ibinahagi ni Ranel Trobillas sa Facebook, nakita niyang may mga idinikit din palang pictures ng lolo at lola niya, pati ng ina at mga kapatid nito.

Kuwento niya sa Kicker Daily News, “Napa-smile kasi ako noong nakita ko andoon mama ko at mga kapatid niya.”

Imahe via Ranel Trobillas | Facebook

May mga sadyang gumagawa nito na isinasama ang mga ginupit na larawan nila at inilalagay sa frame na para bang kasali na sila sa orihinal na imahe sa larawan. Noon ay ginagawa ring palamuti sa bahay ang mga malalaking kalendaryo na may magagandang tanawin at nakatutuwang makita ang mga ipinatong na ginupit na larawan ng pamilya. Maiisip mong ito na yata ang makalumang ‘photoshop’ noon?

Nakatayo sa ilalim ng kahoy, sa labas ng bahay, nakaupo sa bangko, sa may damuhan o sa may malaking bato, tiyak na mayroon talagang paglalagyan ng inyong larawan.

At kapag tiningnan mo sa malayuan, hindi halatang idinikit lang pala ang mga ginupit na pictures ng miyembro ng pamilya.

“Mayroon din ba kayo nito noon?”

Imahe via Ajie Perote | Facebook

‘Yan ang tanong na isinama n Ranel sa pagbabahagi niya ng larawan. At siyempre, nagparamdam ang mga batang 60’s to 80’s na silang tiyak na nakaabot pa sa sinaunang ‘photoshop’ noon.

Mangilan-ngilan din ang nagpakita ng kanilang mga display na kung saan ang iba ay magkapareho pa sa larawan ng bahay ni Ranel.

Ngayon, madali na lang ang pagmamaniobra ng mga imahe. Sa isang pindot, maaari ka nang ikabit sa kung saang imahe mo gusto. Puwede ka na ring pumayat, bumata, tumanda at mas gumanda.

Sa katagalan, kumupas man ang mga display na ito, hindi nito kayang burahin ang mga masasayang alaala ng mga panahong iyon.

Source :

Facebook

Loading…