Karpintero pinagmulta ng P1,000 dahil sa paglabas sa araw ng Linggo, naantig na netizens nais tumulong

Imahe via Cristel Ygona | Facebook
  • Nakilala ng isang babae ang karpintero na pinagmulta ng P1,000 dahil lumabas siya ng araw ng Linggo at ito’y upang bumale ng pera sa kanyang amo
  • Nang ma-post sa social media ang istorya, marami ang naantig at gustong magpaabot ng tulong
  • Sinikap niyang hanapin muli ang karpintero at lalo siyang namangha sa sinabi nito

Isang netizen ang nagsalaysay ng kanyang pagkikipag-usap sa isang karpintero na talaga namang umantig sa kanyang puso.

Imahe via Cristel Ygona | Facebook

Nasa Navotas City Hall si Cristel Ygoña noong Lunes, Agosto 10. Habang nasa pila, may nakausap siyang lalaki. Sabi nito, pinagmulta raw siya dahil lumabas siya nang araw ng Linggo. Bawal kasing lumabas pag Linggo dahil naka-MECQ na naman ang Maynila.

“Karpintero ako. Wala kaming pangkain. Bumale ako sa amo ko,” pautal-utal umanong kuwento ng lalaki sa kanya.

P1,000 ang naging multa niya. Nang tinanong siya kung bakit hindi siya nagpaliwanag, hindi niya rin ito masabi nang maayos.

“Ramdam ko yung lungkot at panghihinayang,” pagsasalarawan ni Cristel. Pansin nitong nakatitig lang daw ang lalaki sa kanyang ticket habang nag-aantay sa pila.

Dagdag pa niya,”Malalaman n’yo din po sa kanya na hindi siya nagpapaawa kasi noong inabutan ko pa siya ng konting tulong, ayaw pang tanggapin kung hindi pa po ako tumakbo pababa.”

Ipinost ni Cristel ang larawan ng lalaki sa social media. Hindi na raw niya nakuha ang pangalan nito ngunit makikilala niya raw sa susunod na magkita sila.

Marami ang naantig sa kuwento niya. Napakahirap din kasi ng sitwasyon nito. Bawal lumabas kapag Linggo dahil sa MECQ. Pero wala na kasi siyang pambili ng pagkain kaya kailangan niya rin humanap ng paraan. Ang kinalabasan baka ang perang nakuha niya sa amo niya ay pinambayad lang sa multa imbes na pambili iyon ng pagkain.

Imahe via Cristel Ygona | Facebook

Ayon sa isang isang netizen, sana binigyan man lang siya ng konsiderasyon.

“Wala man lang consideration yung mga nanghuhuli. Mukha bang lalabas si tatay(sic) kung tatambay at gagala lang? Pero pag nasa puwesto lahat ng consideration ibinibigay.”

Dahil marami ang naantig, may ilang netizens ang gustong magpaabot ng tulong kaya sisikapin ni Cristel na makabalik doon at baka muli niyang makita ang karpintero o baka makakuha man lang ng impormasyon sa city hall. Nanawagan din siya sa mga makababasa na pangalanan ang lalaki kung sino man ang nakakakilala dito.

Imahe vis Cristel Ygona | Facebook

Samantala, matapos kumalat ng post sa social media at telebisyon, nagparamdam din ang karpintero sa kanya sa text.

“Hello, good morning, ma’am . Ako yung sa city hall. Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa tulong mo pagpalain ka ng Panginoon. Kaya lang sumobra ata tayo sa viral. Hehehe. Tsaka baka pag na-trace ako, malaman yung personal ko, mapahiya tayo kasi una binata ako tapos kumikita naman kahit papaano kaya nga tinatanggihan ko yung inaabot mo kasi mas marami ang mas higit na nangangailangan. Pero gano’n pa man maraming maraming salamat. God bless you more.”

Wala naman daw problema sa kanya ang multa dahil aminado siyang may mali siya. Ayaw rin niyang tanggapin ang mga nakaabang na tulong dahil mas may karapat-dapat pa raw sa kanya.

Namangha si Cristel. Sa ikalawang pagkakataon ipinakita ng karpintero ang kanyang kabutihan.

Nakatutuwa rin at natapos ang kuwentong ito na puno tayo ng inspirasyon at may ngiti sa labi.

Loading…