Sen. Imee Marcos sa kautusan ng DOTr sa pagsuot ng face shield: ‘Ibigay nang libre o ibagsak ang presyo’

Imahe via Senator Imee R. Marcos | Facebook, Imahe via Department of Transportation - Philippines | Facebook
  • Nanawagan si Sen. Imee Marcos sa DOTr na ibigay na lang nang libre o ibagsak ang presyo ng face shield
  • Ito ay matapos mandatoryong ni-require ng ahensya ang pagsusuot nito sa lahat ng gagamit ng pampublikong transportasyon
  • Ang kautusang nito ay nagdulot ng pagtaas ng demand sa face shield na siyang nagpataas din ng presyo nito

Agosto 5 naglabas ng rekomendasyon ang DOTr sa paggamit ng face shield, maliban sa face mask ng lahat ng mga pasahero sa pampublikong transportasyon. Sisimulan ang pagsusuot nito sa Agosto 15.

Imahe via Department of Transportation – Philippines | Facebook

Marami ang nagpahayag ng pagkontra sa kautusang ito at isa na rito si Sen. Imee Marcos.

Ayon sa video na inilabas niya sa kanyang social media account, sinabi niyang dagdag gastusin ito sa mga mamamayan na dumadaan na sa krisis ngayon. Kaya hiling niya na ibigay na lang ito nang libre o ‘di kaya’y ibagsak ang presyo dahil nag-umpisa raw ito sa P40 ngunit ngayon ay nasa P65 na.

Sumang-ayon naman siya na nakatutulong ang face mask, face shield at PPE ngunit hindi raw nakatutulong ang halaga nito.

“Ibibili ko na lang ng noodles sa aking pamilya kung ako ay isang nanay na talagang nangangailan ng mga face shield na ‘yan,” pahayag niya.

Suhestiyon niya, “Kung maaari ibigay na ninyo nang libre. Kung hindi kaya nang libre, bakit naman ima-mandatory? Pambihira naman talaga!”

Imahe via Senator Imee R. Marcos | Facebook

Samantala, nauna nang nanawagan si DOTr Secretary Arthur Tugade na huwag isipin na isa na naman itong dagdag gastusin.

“Sa mga kababayan ’ho natin, huwag sana nating isipin na panibagong gastusin o dagdag abala ang pag-require natin sa paggamit ng face shield. Let us remember that no amount of protection is too much when it comes to health and safety, especially that we are battling an invisible enemy. What we are addressing is not a transport issue but rather a health issue. Kaya nga ‘ho hinihingi ko ang kooperasyon ng bawat isa.”

Nire-require rin nito ang face shield na buong mukha ang tinatakpan at hindi gaya ng mga visor, goggles na mata lamang ang napoproteksyunan.

Ang mandatoryong kautusang ito ay nagdulot ng pagtaas ng demand sa face shield sa bansa. Kaya mula sa regular na presyo na P40 ay umakyat agad ito sa P65.

Panoorin ang video ng senador dito.

Loading…