
- Tumawag ng atensyon ng isang netizen ang aso na nakaabang sa may pintuan ng isang fastfood
- Nalaman niyang binibigyan pala ito ng pagkain ng manager kaya siya naroon
- Nasaksihan niya mismo ang kabutihan ng manager at ibinahagi ang nakaaantig na kuwento sa social media
Napagmasdan mo ba ang mga aso na nasa labas ng mga fastfood? Hindi sila nandiyan para tumambay lang. Marami sa kanila naghahanap ng pagkain, nag-aantay at baka may mabuting loob na magbibigay sa kanila.

Ganyan ang nasaksihan ni Aie Salas habang papasok sa isang branch ng Jollibee sa West Zamora St., Pandacan. Napansin niyang may aso na nakabantay sa may pintuan. Kuwento ng security guard sa kanya, palagi raw kasi itong pinapakain ng manager.
Nang makita ng manager ang aso, agad siyang kumuha ng pagkain. Ang nakamamangha pa, isinubo pa ito sa aso. Kinunan ni Aie ng larawan ang mga sandaling iyon at ibinahagi sa social media ang nakaaantig na kuwento.
Napakagandang pagmasdan ang kabutihan ng isang tao sa hayop dahil hindi lang ito nagbibigay ng tuwa sa mga kawawang hayop kundi pati na rin sa nakakikita nito.

“Di alam kung kanino o sino ang may ari ng aso. Nakakatuwa lang din makakita ng mga taong mababait sa mga hayop,” kuwento ni Aie sa kanyang post.
Samantala, may nagkumento na may nagmamay-ari pala nito. Ayon kay Agpoon Greymie, “Hehe. Diyan ‘yan sa may jeep, kanila tatay. Hehe.”
At ang mismong may-ari, nagbahagi rin ng kanilang larawan. Ang sweet! Magkatabi pa pala silang matulog.

Sa pangangatawan ni doggy, mukhang alagang-alaga naman siya. Bukod sa may-ari, baka nagkaroon siya ng isa pang kaibigan na may malasakit din sa kanya.
Ang dami nating pinagdadaanan ngayon ngunit huwag nating kalimutan na magbigay pa rin ng pagpapahalaga sa mga hayop sa ating kapaligiran.
Kaya papuri ni Aie, “Kudos sa Manager na ‘yan ng Jollibee. ‘Yan ang isa sa mga tunay na bida.”