Dating palaboy pinaliguan, ginupitan, binihisan at kinupkop ng mga sakristan

Imahe via Province of Davao de Oro | Facebook
  • Dahil sa awa, tinulungan ng mga sakristan ang isang palaboy upang maging maayos ito
  • Pinaliguan, ginupitan, binihisan at pinakain siya ng mga ito kaya naman maaliwalas na at pumogi na ang kanyang mukha ngayon
  • Dati rin pala siyang sakristan kaya kahit ganoon ang sitwasyon niya, nagsisimba pa rin siya tuwing Linggo

Kahabag-habag ang kalagayan ng mga palaboy. Walang nag-aalaga sa kanila at ang pagkain nila ay nakaasa lamang sa mga may magagandang loob na gustong magbigay.

Imahe via Province of Davao de Oro | Facebook

Ngayong may pandemya, lalo silang kaawa-awa. Maglalakas-loob ka bang tumulong at mag-aruga sa isa sa kanila?

‘Yan ang ginawa ng mga sakristan ng San Roque Parish sa Mawab, Davao de Oro kay Totong, isang palaboy. Siya ay pinaliguan, ginupitan at pinakain nila.

Ayon sa isa sa mga sakristan na si Teotristian Gomez Batutay, “Gitabangan namo siya kay naluoy mi ug arun makita namo siya [nga] hinlo. [Tinulungan namin siya dahil naawa kami para makita namin siyang malinis].”

Sa mga ibinahaging larawan ng Province of Davao de Oro sa scoail media, makikita mong mahaba na ang buhok ni Totong pati ang balbas niya. Wala rin siyang damit pang itaas at madungis na siya dahil hindi siya nakaliligo at walang nag-aalaga sa kanya. Umaasa lamang daw siya sa mga nagbibigay ng pagkain kapag nadaraanan siya.

Imahe via Province of Davao de Oro | Facebook

Tulung-tulong na nag-ayos ang pitong sakristan sa kanya. Bakas naman sa mukha ni Totong ang kaligayahan. Lalo na nang makabihis na siya at pinakain, malayong-malayo na ang istura niya sa dati at halos hindi mo na siya makikilala sa ngayon. Pumogi na siya sa kanyang bagong itsura.

Ayon sa isang netizen na si Evelyn Golo Buntrosto, sakristan raw dati si Totong at ang kanyang kapatid. Kaya makahulugan na sinagip din siya ng mga sakristan ngayon.

Kuwento rin ni Christabel Orfane, kaya raw pala nagsisimba pa rin si Totong tuwing Linggo ay dahil sakristan pala ito.

Imahe via Province of Davao de Oro | Facebook

Nakatanggap naman ng pagpupuri mula sa Province of Davao de Oro ang mga sakristan.

“Good job boys. Pinakita ninyo ang katangian ng totoong Kristiyano — matulungin, mahabagin at may malasakit sa kapwa lalo na sa mga mahihirap, nangangailangan at ‘yong mga kinalimutan na ng lipunan.”

Kasakuyang nasa pangangalaga na ng San Roque Parish si Totong.

Source :

Facebook

Loading…