iPhone na ibinebenta online na sobrang mura huwag padadala, pang-display lang pala

Imahe kuha mula sa video ng I-Storyahan via Facebook
  • Nadismaya ang isang babae nang makitang isang dummy or display phone pala ang nabili niyang iPhone online
  • Naengganyo kasi siyang bumili nang makitang sobrang mura ito
  • Inireklamo niya sa rider ang nangyari dahil sa pag-aakalang na-scam siya

Nakaeengganyong bumili ng mga sale at murang mga gadget na ibinebenta online. Lalo na sa mga nagtitipid, isang tsansa na ito para makabili ng kanilang pinapangarap na gadget gaya ng cellphone.

Imahe kuha mula sa video ng I-Storyahan via Facebook

Subalit, ang hindi pagdadalawang-isip bago natin pindutin ang checkout sa pag-order ay maaari nating pagsisihan sa bandang huli.

Isang babae ang excited na gumamit ng inorder niyang iPhone mula sa Shopee. Dahil sa sobrang murang halaga na P584, agad niya itong binili nang walang pag-aalinlangan. Subalit nang dumating ito sa kanya, hindi pala tunay na cellphone ang binili niyang iPhone kundi isang display o dummy device pala.

Nagreklamo ang babae sa rider sa paniniwalang na-scam siya.  Vinideo ng rider ang salaysay ng babae at ibinahagi ito ng I-Storyahan Facebook page. Kuwento ng babae, nang makita niya ang cellphone agad niyang tinanggal ang plastic sa LCD para masilayan itong mabuti. Ngunit pagpindot niya sa screen, hindi naman gumalaw ang mga apps. Picture lang pala ‘yon!

“Maparerefund ko ba to kuya?” tanong ng babae sa rider.

Pinaliwanag ng rider na puwede naman. Ipapakita niya lang daw ang item at magagawan na ng refund. Pero ngayon kailangan niya munang bayaran ang cellphone.

Nang sinisisi ng babae sa Shopee ang nangyari, kinlaro ng rider na ang Shopee ay logistics lang at may mga seller na pinapasok sa Shopee.

“Kawawa sila. Magseselfie-selfie na sana ‘tong mga to. Bigla pang napurnada,”sambit niya sa kanila.

Imahe kuha mula sa video ng I-Storyahan via Facebook

Binalikan nila ang pouch na pinaglagyan ng cellphone at nakita nila na galing sa isang Mr. Hu ang order na may address na Shangxue Industrial Park, Building 6, Bantian, Baoan, Shenzhen Guangfong, China. Aba! Galing pa pala ‘yon sa labas ng bansa.

It’s a prank! bulalas ng babae. Natawa na lang sila sa nangyari.

Samantala, sabi ng mga netizens baka hindi lang binasa ng umorder ang description ng kanyang nabili dahil wala naman daw iPhone na tig-P500 plus lamang.

Ganoon na nga siguro. Huwag tayong masyadong maging excited at basahin natin nang maayos ang mga detalye ng oorderin natin.

Panoorin ang video rito.

Source :

Facebook

Loading…