Pulis may malasakit sa namamalimos na PWD, tinutulungang makatawid sa daan, nagbibigay pa ng pera at pagkain

Imahe mula kay Ronald Rodriguez via Bicol.PH | Facebook
  • Isang pulis ang hinangaan sa Naga City dahil sa pagtulong nitong makatawid ang PWD nang ligtas sa kalsada
  • Bahagi man ito ng kanyang tungkulin ngunit ang pagtulong nito sa matanda ay higit pa sa inaasahan sa kanya
  • Nagbibigay din siya ng panghapunan at pagkain sa PWD sa bawat araw na dumadaan ito sa puwesto nila

Minsan nakararanas ng pagbabatikos ang ating kapulisan dahil sa mga kamaliang nagawa ng iba. Ngunit, ang kuwentong ito ay nagpapatunay na marami pa rin sa kanila ang tapat sa tungkulin at handang magserbisyo sa kapwa.

Imahe mula kay Ronald Rodriguez via Bicol.PH | Facebook

Habang nagmamaneho si Ronald Rodriguez, Sept. 15 ng gabi, sa intersection ng Peñafrancia Ave. at Colgante Bridge sa Naga City, napansin niyang tinulungan ng isang pulis na tumawid ang isang PWD na naka-wheelchair. Lalo siyang humanga dahil matapos makatawid sa pedestrian lane, hindi agad iniwan ng pulis ang PWD ngunit inihatid pa niya ito sa mas ligtas na bahagi ng kalsada.

Kumuha si Ronald ng larawan at ibinahagi ito sa social media. Sa kanyang post, nagpasalamat siya sa pulis.

“Nakaka ogmang hilingon (Nakatutuwang pagmasdan). Salamat sa mga sinserong mag-sirbeng mga pulis!”

Muling ibinahagi ng Bicol.PH sa social media ang kanyang mga larawan at agad itong nagbigay ng good vibes sa mga netizens.

Ayon kay Zai Redburn, mababait daw talaga ang pulis Naga. Matitino, magalang at matulungin daw sila, mapabata man o matanda. Nalalapitan din daw sila kaya hindi dapat mangamba sa kanila.

Ang pulis ay nakilalang si Police SSgt. Charito Gernale Dico. Isa siyang Waray at kadedestino lamang sa Naga.

Imahe mula kay Ronald Rodriguez via Bicol.PH | Facebook

Sa balita ng ABS-CBN News, parati na palang dumaraan doon ang PWD na si Luis Borce dahil daanan niya ito papuntang Naga Metropolitan Cathedral para mamalimos. Bukod sa pagtulong sa kanya na makatawid, nagbibigay din ng panghapunan at pera si Dico para magpahinga na lang si Borce pag-uwi ng bahay nila sa Bgy. Balatas.

Balak niya rin itong bigyan ng groceries para hindi na raw mamalimos si tatay lalo na ngayong may COVID.

Kilala nang mabait na pulis si Dico dahil noong nadestino pa siya sa 501st Maneuver Company ng PNP-Camarines Sur, nagbibigay siya ng ayudang pagkain sa mga bata ng Barangay Panoypoyan, Bula. Ang bigas na ibinibigay niya ay mula pa sa kanyang rice allowance.

Saludo kami sa inyo, Sir! Salamat sa pagtulong mo sa kapwa at pag-angat sa imahe ng kapulisan.

Source :

Facebook, ABS CBN

Loading…