Teenager na nawalan ng trabaho nagbisikleta ng 1,000 km makauwi lang sa kanila

Imahe via Evardone Anacio Christian | Facebook
  • Isang 19 taong gulang na lalaki ang nagbisikleta mula Parañaque City hanggang sa kanila sa Eastern Samar
  • Nawalan umano siya ng trabaho at matutuluyan kaya siya nagpasyang umuwi na lamang sa kanila
  • Dahil sa kulang ang pamasahe, sampung araw siyang nagbisikleta na talaga namang nagpahanga sa mga netizens

Kung ang ilan sa mga kababayan natin ay masuwerteng nakauwi agad sa kanilang mga pamilya para doon manatili habang may quarantine, hirap ang dinanas ng isang 19 na taong gulang na lalaki para marating ang kanilang lugar.

Imahe via Evardone Anacio Christian | Facebook

Nagpadyak si Peter Roncales ng sampung araw mula Parañaque City hanggang sa kanila sa Eastern Samar gamit lamang ang bisikleta. Lunes ng gabi, dumating siya sa checkpoiint ng Munisipalidad ng Taft matapos ang paglalakbay ng halos 1,000 kilometro.

Nawalan siya ng trabaho at matutuluyan sa Maynila. Kulang din umano ang kanyang pera para pamasahe kaya mahirap man, nagpasya siyang magbisikleta pauwi sa kanila.

Pagdating ni Roncales sa checkpoint ng Munisipalidad ng Taft, naawa sa kanya ang isang frontliner na si Christian Evardone at binigyan siya ng makakain at tubig. Pansin niyang pagod na pagod si Roncales at basang-basa pa dahil sa ulan.

Tinulungan siya nitong maipaalam sa Munisipyo ng Oras para masundo siya ng mga kinauukulan. Nang siya ay nakapagpahinga na at nakapagbihis, dumating ang ambulansya. Isang oras pa ang tatakbuhin bago marating ang kanilang lugar.

Dinala siya sa quarantine facility ng mga locally stranded individuals. Mananatili muna roon ng 14 na araw si Roncales bago tuluyang makapiling ang kanyang pamilya.

Imahe via Mhi Mack | Facebook

Napahanga ang mga netizens sa determinasyon ni Roncales. Itinrace pa ng iba sa mapa ang layo ng kanyang binisikleta. Kapag tuluy-tuloy ang biyahe gamit ang sasakyan, mahigit isang araw lamang ang tatakbuhin nito.

Ilan lamang si Roncales sa mga matindi ang dinaanang sakripisyo makauwi lamang sa kanila. Noong Marso, walong construction workers ang naglakad mula Maynila hanggang Pangasinan dahil wala silang masakyan dulot ng enhanced community quarantine.

Loading…