Kapalit ng sakripisyo: Anak nagregalo ng bagong sasakyan sa magulang na sumuporta sa itinayo niyang negosyo

Imahe via John Ebreo | Facebook
  • Ibinenta ng isang ama ang kanyang sasakyan para makatulong sa pagtatayo ng negosyo ng kanyang anak
  • Nais makabawi ng anak kaya balak nitong magregalo ng bagong sasakyan para sa ika-60th na kaarawan ng ama
  • Ngunit dahil maganda ang naging takbo ng negosyo nito ay napaaga ang regalo na matapos pa sana ang dalawang taon maibibigay

Mula nang tayo ay inilabas sa mundong ito, laging handa ang ating mga magulang magsakripisyo para sa ating kapakanan. Imbes na ibibili nila para sa kanilang sarili, may mga bagay na ipinagpapaliban nila para sa ating pangangailangan. At ang pagmamahal na iyan ay patuloy na umuusbong hanggang sa sila ay naririto pa sa mundong ibabaw.

Imahe via John Ebreo | Facebook

Isa si John Ebreo, 25 taong gulang, isang marino at negosyante, na magpapatunay sa handang pagtulong ng mga magulang sa mga ambisyong tinatahak natin sa buhay.

Inilahad niya sa social media na ibinenta ng kanyang ama ang sasakyan nitong Innova noong Abril para makatulong sa pagtatayo niya ng negosyong gasolinahan noong Mayo. Bilang kapalit sa kabutihan ng ama, binalak ni John na bilhan ito ng bagong sasakyan para sa ika-60 kaarawan nito sa Nobyembre 30, 2022.

Subalit, sinuwerte siya at umaapaw ang mga dumating na biyaya kung kaya’t hindi na niya na hinintay ang 2022 at agad na siyang bumili ng bagong sasakyan.

“Happy 58th birthday tatay! Deserve mo ang brand new car na ito dahil sa mga sakripisyong ginawa mo. Mahal ka namin palagi, Tatay,” sabi niya sa kanyang post. Ibinahagi niya rin ang larawan ng kanyang ama na katabi ang regalong sasakyan.

Imahe via John Ebreo | Facebook

Dagdag pa ni John, akala niya’y mapagagalitan siya sa binili niyang regalo. May pandemya raw kasi ngayon at kailangang magtipid. Kaya nagpasalamat din siya sa kanyang ina na pumayag na bilhin ito.

Pinuri si John sa kanyang post dahil sa pagiging butihing anak. At malayo pa man ang kaarawan ng ama, inulan na rin ito ng pagbati.

Layunin ni John na sa kanyang pagbahagi ay magbigay ito ng inspirasyon sa iba.

Samantala, maliit man o malaki ang sakripisyo ng mga magulang, huwag nating kalimutang bigyan ito ng pagpapahalaga at tumanaw ng utang na loob. Balang araw, magiging isang magulang din tayo at kung paano tayo tatratuhin ng mga anak natin ay depende sa mga aral na itinuro natin.

Source :

Facebook

Loading…