Batang nawalan ng mata dahil sa sakit, isang inspirasyon sa pagsisikap sa pag-aaral sa new normal

Imahe mula kay Rosalie Zamora, Celerina Pamonag via DepEd Tayo Gensan Facebook
  • Bida ang isang mag-aaral sa General Santos City dahil sa kabila ng kanyang kapansanan, hindi nito alintala ang hirap ng pag-aadjust sa new normal ng edukasyon ngayon
  • Dumadaan man siya sa gamutan, nagsisikap pa rin siya sa kanyang pag-aaral na parang walang dinaramdam
  • Dahilan ito upang hangaan siya ng kanyang guro na naniniwalang ang kanyang kuwento ay magbibigay ng inspirasyon sa mga kabataan ngayon

Dalawang linggo makaraang pormal na buksan ang klase na napapaloob sa makasaysayang new normal, magkahalong reaksyon ang nabatid natin mula sa mga estudyante, magulang at mga guro. Malamang dulot ng pagsisismula ng bagong sistema, mas maraming reklamo ang natanggap ng Kagawaran ng Edukasyon.

Imahe mula kay Rosalie Zamora, Celerina Pamonag via DepEd Tayo Gensan Facebook

Sadyang inaasahan ito dahil sa pag-aadjust ng lahat sa distance learning. Subalit sa General Santos City, may isang mag-aaral ang kapupulutan natin ng inspirasyon.

Bida sa Facebook page ng DepEd Tayo Gensan si Rosgail Shane Zamora, Grade 5 pupil ng Upper Tambler Central Elementary School. Siya ay nawalan na ng kanang mata dahil sa kanser ngunit hindi ito hadlang upang ang kanyang pag-aaral ay maapektuhan.

“Gamit ang flashlight ng cellphone upang bigyang liwanag ang mga titik at salitang nasa modyul, puno ng determinasyong inuunawa at sinasagutan ni Shane ang mga gawain dahil sa kanyang kagustuhang matuto,” paglalarawan nito kay Shane.

Imahe mula kay Rosalie Zamora, Celerina Pamonag via DepEd Tayo Gensan Facebook

Ang determinasyon niya ay nagpamangha sa kanyang punong tagapagpayo na si Celerina Pamonag. Kuwento nito, nagagawa pa rin daw ng estudyante ang mga kinakailangang sagutin sa self-learning modules sa kabila ng kanyang sitwasyon.

Ayon sa kanyang ina, parang walang sakit ang kanyang anak kahit na dumadaan ito sa gamutan para sa kanyang sakit.

Tunay na nagbibigay siya ng inspirasyon sa lahat ng mga estudyante ngayon lalo na sa mga kapareha niya ng kalagayan. Kahit na nabawasan ang kanyang kakayahang makakita nang mabuti, malinaw naman ang kanyang pananaw sa buhay.

Saludo kami sa iyo, Shane!

Source :

Facebook

Loading…