Dating guro masigasig na nagtuturo sa mga pamangkin kahit na may dystonia

Imahe via Yannie Kho| Facebook, Imahe via DepEd Tayo Sarangani | Facebook
  • Dahil sa isang karamdaman, bumaluktot ang likod ng isang dating guro ng high school
  • Siya ay napilitang magretiro nang maaga subalit masigasig pa rin siyang tumutulong sa kanyang mga pamangkin sa pagsagot sa kanilang modules
  • Umani siya ng paghanga mula sa mga dating estudyante at hangad nilang matulungan siya para gumaling sa kanyang kondisyon

Mahilig magpangiti, palatawa at butihing guro —- ganyan kung ilarawan si Harold Dauates ng kanyang mga dating estudyante.

Imahe via DepEd Tayo Sarangani | Facebook

Ngunit ngayon, malayo na ang kanyang kalagayan sa dati niyang itsura. Siya ay hindi makatayo at makaupo nang maayos dahil bumaluktot ang kanyang likod. Ngunit sa kabila nito, masigasig pa rin siyang nagtuturo sa kanyang mga pamangkin sa pagsagot sa kanilang modyul.

Dati siyang guro ng Mathermatics sa Malandag National High School sa Malungon, Sarangani Province ngunit nagkaroon siya ng dystonia. Ito ay isang movement disorder kung saan hindi makontrol ang pag-urong ng kalamnan ng tao. Dahil dito, bumabaluktot ang apektadong parte ng katawan.

Pinaniniwalaang ang kanyang mild stroke noong taong 2012 at namuong dugo sa parte ng kanyang utak ang siyang dahilan ng pagkaroon niya ng dystonia. Dalawang taon ang nakalipas, napilitan siyang magretiro nang maaga.

Sa kuwentong ibinahagi ng DepEd Tayo Sarangani, sinabi ng kapatid niyang si Cathy, isa ring guro, na magaling ang kanyang kapatid sa kahit anong subject.

“Sa katunayan, pati sa research ko, tinutulungan niya ako. Hindi naman kasi apektado ang kanyang pag-iisip,” dagdag niya.

Malaki ang tulong ni Harold sa pag-aalalay sa kanyang mga anak dahil madalas umano siyang umaalis sa bahay dahil isa siyang ALS teacher.

Imahe via DepEd Tayo Sarangani | Facebook

Puno naman ng papuri at paghanga ang post ng DepEd Tayo Sarangani sa social media. Ang iba’y inalala ang nakaraan niya bilang isang butihing guro.

“So proud na naging part ka ng success ko, sir Harold. One of a kind na teacher way back highschool days.”

“Hello, sir Harold, my classmate in college, matalino, mabait at masayahin na tao. Laban lang, sir. God bless you.”

“Si  Sir Dauates ay naging teacher ko noong 3rd year highschool ako. Napakabuti niya pong guro sa aming lahat na kanyang mga estudyante. Napakalungkot pong isipin sir na nakikita po namin kayong nagkaganyan. Palagi ko po kayong isasama sa’ming mga dalangin at ipagpe-prayer request po kita sa aming service.”

Samantala, marami ang nananawagan na sana ay matulungan siya para sa ikauunlad ng kanyang kondisyon.

Salamat sa walang sawa mong dedikasyon sa pagtuturo, sir.

Loading…