Lalaki ibinenta ang scooter para maipagamot ang kanyang aso: ‘Pag may kayang gawin, why not?’

Imahe via Calvin Rotone | Facebook
  • Dahil kulang sa pera, nagbenta ng scooter ang isang lalake para lamang maipagamot ang aso niyang may sakit
  • Napulot lamang niya ito sa daan noon at lumaki itong malapit sa kanya
  • Para sa ikagagaling ng kanyang aso, handa siyang magbenta pa ng ibang gamit para lamang sa karagdagang gamutan nito

Hanggang saan ba ang kaya mong isakripisyo para sa pinakamamahal mong alaga?

Imahe via Calvin Rotone | Facebook

Ibinenta ni Calvin Rotonea ng kanyang scooter upang maipagamot ang kanyang alagang aso na si Bella.

Sa post niya sa Furr Lovers PH, ibinahagi niya ang huling mga larawan ng kanyang scooter. Nakatali na ito sa likuran ng isang sasakyan dahil papunta na ito sa bagong may-ari.

Tinanong ng KDN si Calvin kung napa’no ang kanyang aso. Nagkaroon daw ito ng kennel cough. Duda niya, nakuha ito ni Bella sa ibang aso. Hindi naman delikado ang kennel cough sa mga aso ngunit kapag napabayaan maaaring maging pneumonia ito.

Ginamit niya ang pinagbentahan para sa pagpapa-checkup kay Bella. Inabisuhan siyang ipa-admit na ito ngunit hindi pa rin sapat ang kanyang pera. Kaya naka-home medications daw muna ito. Subalit nawawalan daw ito ng ganang kumain kaya pinaplano niya na magbenta pa ng mga  ibang gamit para mai-admit na ito sa beterinaryo.

“Pag may kayang gawin why not? Bella is priceless. She’s enough,” kuwento niya sa amin.

Paano ba niya natagpuan si Bella?

Imahe via Calvin Rotone | Facebook

Napulot lamang ito ni Calvin sa tabing daan kasama ang kapatid nito na ngayon ay nasa pangangalaga ng kanyang ina. Ang araw na iyon ay siya ring araw ng pagkawala ng kanyang lola kaya marami raw ang nagsasabi sa kanya na “baka si lola mo si Bella”. Noong hinatid na kasi sa huling hantungan ang kanyang lola, balisa raw ang aso.

Isang taon at pitong buwang gulang na si Bella ngayon. Sa paglalarawan ni Calvin, isa siyang malambing at protective na aso. Nagbabantay siya ng ulam at sinisigurong walang ibang hayop ang makalalapit dito. Sa pagtulog, karaniwang puwesto na nito ang uluhan ni Calvin. Sa sobrang malapitin nito sa kanya, “daddy’s girl” na ang tawag ng kanyang fiance rito.

Imahe via Calvin Rotone | Facebook

Pinuri si Calvin sa kanyang ginawa at sinabihan siya ng mga netizens na tama ang naging desisyon niya.

“Good decision. God will provide you another ride. God bless! Salute!”

“God bless, sir. Tama yan. Ang motor mabibili pa, ang buhay ay hindi na.”

Samantala, base sa kanyang update noong Oktubre 20 ng umaga, maayos naman daw si Bella pero handa siyang ipa admit ito sa vet kung kinakailangan.

Loading…