Manila Mayor Isko Moreno pinirmahan ang ordinansang nagbabawal sa pagvi-videoke habang may online class

Imahe via Maricel Vargas Dycueco | Facebook, Imaghe via Canva
  • Epektibo agad nang napirmahan, ipinagbabawal na ng Lungsod ng Maynila ang pagvivideoke at iba pang maiingay na tunog sa tuwing may online class ang mga estudyante
  • Tugon ito sa mga reklamong natanggap mula sa mga magulang na naiistorbo raw ang klase ng mga bata dahil sa pagvi-videoke ng mga kapitbahay
  • May karampatang multa mula sa unang pagkakataon ng paglabag sa ordinansang ito

Para maiwasang maistorbo ang mga estudyante sa kanilang online classes, pinirmahan ni Manila Mayor Isko Moreno noong Oktubre 8 ang ordinansang nagbabawal ng paggamit ng videoke at karaoke sa Maynila sa araw.

Imahe via Isko Moreno Domagoso | Facebook

Ito ay ginawa matapos silang makatanggap ng reklamo mula sa mga magulang na naiistorbo ang kanilang mga anak dahil sa ingay ng pagvi-videoke ng mga kapitbahay.

Sa ilalim ng Ordinance no. 8688, ang mga karaoke at videoke machines kasali na ang mga kagamitan na nagbibigay ng malalakas na tunog ay bawal gamitin mula ala-7 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon mula Lunes hanggang Sabado. May karampatang multa sa mga lalabag nito, P1,000 sa unang pagkakataon, P2,000 sa pangalawa at P3,000 sa ikatlong beses.

Ang mga barangay officials at pulis ang inatasang magpapatupad nito.

Ang ordinansya ay sagot ng pamahalaan ng Maynila sa panawagan ng Department of Interior and Local Government na pagbawalan ang videoke at ibang maiingay na mga aktibidad habang may online classes dahil milyon-miyong estudyante ang kasalukuyang nag-aadjust sa blended learning system na ito bilang tugon sa pagsugpo sa COVID-19.

Imahe via DILG Philippines | Facebook

PNP ipinagbabawal ang pagvi-videoke sa mga barangay habang oras ng klase

Nakatanggap naman ng pagsang-ayon at positibong puna mula sa mga residente ang agarang aksyon ng lungsod.

“Salamat. Naisip ko na yan noong September pa lang na sana magkaroon ng ordinansa para sa mga maiingay na kapitbahay. Kahit simpleng araw nag-iinuman at nagvi-videoke pa. Salamat po, Mayor Isko, naging panatag ang isip ko mula nang ikaw ang naging mayor namin. Maraming salamat po.”

“Wow. Thank you, yorme. Dami dito sa amin niyan, lalo na nong walang pandemic. Grabe parang sila lang ang tao sa mundo. Walang paki sa mga kapitbahay lalo na’t pag mga lasing na, kahit bulol-bulol na, kanta pa rin. Nakabubulahaw sa mga kapitbahay.”

Nanawagan din ang mga residente na isama sa ipinagbabawal ang mga motorsiklong maiingay at humaharurot sa daan.

“Dapat po pati rin yong mga motor po na maiingay ang tambutso, marami na rin pong ganun na dumadaan. Hinaharurot pa talaga nila.”

Loading…